GANOON na lang ba iyon? Ang ilipat lang sa ibang kulungan ang sinasabing pangunahing nagbebenta ng ilegal na droga o ‘shabu; sa loob ng Quezon City Jail?
Paano naman ang mga maaaring nakinabang sa bilanggo na si Candido Sison Vallejo na sinasabing responsable sa bentahan ng shabu sa loob? Parang napakahirap kasing paniwalaang walang opisyal o jail guard/s na nakinabang kay Vallejo?
Anyway, in fairness kay QC Jail Warden, Supt. Ermilito Moral, malamang wala siyang kinalaman sa transaksiyon ni Vallejo sa kulungan dahil bukod sa bago pa lamang sa posisyon si Moral, kanya pang pinalipat sa ibang bilangguan si Vallejo matapos niyang matuklasang ang preso ang responsable sa pagkakalat ng ilegal na droga sa loob.
Mula QC Jail, ipinalipat ni Moral si Vallejo sa Metro Manila District Jail (MMDJ).
Si Vallejo ay nakakulong sa QC Jail matapos masangkot sa kasong kidnapping. May 11 taon na siyang nanakulong.
Base sa impormasyon nakalap ni Moral, nang maupo siya sa QC Jail, si Vallejo ang utak sa pagpapapasok at pagkakalat ng droga sa kulungan.
At dahil sa tagal na ni Vallejo sa piitan, naging malapit si Vallejo sa ilang jail guards kaya malayang nagagawa ng preso ang kanyang mga ilegal na aktibidad.
Magkano naman kaya ang pakinabang ng ilang jail guard kay Vallejo? Wala ba?
Pero ayon kay Moral, ang ibang jail personnel ay tinatakot (daw) ni Vallejo. Ipapapatay daw sila ni Vallejo sa kanyang mga galamay sa labas. Kaya ang resulta, tameme na lamang ang ilang bantay sa pagbebenta ng shabu ni Vallejo sa loob.
Talaga lang ha! Tinatakot kayong mga jail guard. Baka naman nakikinabang lang din kayo kay Vallejo?
Sa natuklasang ito ni Moral — ang ilegal na aktibidad ni Moral, kanyang ipinalipat sa MMDJ sa Bicutan si Vallejo para matuldukan na ang bentahan ng shabu sa loob.
Pero bago mailipat si Vallejo, nagkaroon pa ng eksena sa QC Jail.
Nagmatigas si Vallejo. Ayaw niyang lumabas sa selda o sumama sa mga guwardiya na maglalabas sa kanya. Pero nang malaman niyang papasukin at puwersahan na siyang bibitbitin ni Moral, hayun, tumiklop ang dalawang pakpak ni Vallejo. Kusa na siyang lumabas sa selda.
Ngayon, ang QC Jail ay nabunutan na rin ng tinik. Tuwang-tuwa ang mga lider ng iba’t ibang pangkat sa piitan. Hindi lamang dahil wala na si Vallejo na sisiga-siga sa loob ng 11 taon at sa halip, natuldukan na ang pagbebenta ng shabu sa kulungan.
“Siga-siga dito ‘yan, marami ang takot diyan. Tinatakot din ang mga jail officer kaya hindi magalaw. May mga galamay pa sa labas na kanyang nauutusan, kaya natatakot maging ang mga inmate at lider ng pangkat sa kanya,” ayon kay Moral.
Kung suriin, marahil kung walang nangyaring pagbalasa sa BJMP, tuloy ang ligaya ni Vallejo sa QC Jail. Mabuti na lamang at may moral ang ipinadalang warden sa QC Jail sa katauhan ni Supt. Moral na tumapos sa maliligayang panahon ni Vallejo.
Pero, Supt. Moral, ganoon na lang ba iyon? Ibig kong sabihin, hindi mo ba kalkalin kung sino-sino ang mga nakinabang kay Vallejo? Napakahirap yatang paniwalaan na walang mga opisyal o jail guard na nakinabang kay Vallejo.
Hindi naman siguro sapat iyong dahilan na tinatakot silang ipapapatay ni Vallejo.
Sa info na nakalap natin, nagsasagawa na rin ng imbestigasyon at nangangalap ng ebidensiya si Moral laban sa mga opisyal at jail guard na posibleng nakinabang kay Vallejo. Iyan lang naman siguro kung mayroong nakinabang.
Naku paktay kayo, lagot kay Moral. Humanda kayong mga jail guard na walang moral.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan