IPINASAILALIM sa lifestyle check ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tinagurian niyang drug lord na si Iloilo City Mayor Jed Mabilog.
Inamin ni Pangulong Duterte kahapon, nagpahiwatig si Mabilog na nais siyang kausapin, pero binubusisi ng National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang yaman ng alkalde.
Mala-Palasyo aniya ang bahay ni Mabilog.
“Mabilog has sent word that he wants to talk to me. And I had some lifestyle check on him. His house is like a palace in… Sabi ko, anak siguro talaga ito ng mayamang-mayaman. ‘Yung bahay niya talagang ipina-ano — ipinasilip ko sa mga NBI pati BIR, it’s really a palace. Kaya…,” anang Pangulo sa kanyang talumpati sa mass oath-taking ng mga bagong one-star police general.
Giit ng Pangulo, kaya nagtitiwala siya sa pamumuno ng pulisya na nagpapatupad ng kapayapaan at kaayusan sa pamayanan.
“It is for this reason that I look to the PNP to provide leadership to assert peace and order and uphold the rule of law,” anang Pangulo.
Itinalaga ni Duterte si Chief Insp. Jovie Espenido bilang bagong hepe ng Iloilo City police matapos ang ‘matagumpay’ na assignment sa Albuera, Leyte at Ozamiz City.
(ROSE NOVENARIO)