ISANG drug lord ang alkalde ng Iloilo City na si Jed Mabilog kaya ang babala sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte, putulin ang ugnayan sa drug syndicate.
Sa kanyang talumpati kahapon sa paggunita sa National Heroes Day sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio, Taguig City, tahasang sinabi ng Pangulo na itatalaga niya si Chief Inspector Jovie Espenido sa Iloilo City dahil tagumpay siya sa ‘pagtumba’ sa dalawang tinukoy niyang narco-politicians.
“Well, I’ll tell you again, mayor. Dinadawit ka, for the longest time. Updated list, nandiyan ka,” ani Duterte tungkol kay Mabilog.
“E sa totoo lang, ngayon pang wala nang nangyari, baka gusto mo nang tapusin ang connection mo. Do not protect, do not call the police, ganito na ganito,” pahayag ni Duterte kay Mabilog.
“Do not just mess up with the… kasi ‘pag nandiyan, drug lord ka rin e. Mapipilitan ako. Bakit ka nag-protektar?” sabi ng Pangulo.
Anang Pangulo, si Espenido ay isang “dedicated man” at alam ang batas kaya’t dapat gawin sa ibang bahagi ng bansa ang kanyang husay.
Si Espenido ang chief of police sa Albuera, Leyte na humuli kay Mayor Reynaldo Espinosa na itinumba ng mga pulis sa loob ng bilangguan.
Siya rin ang hepe ng Ozamiz City police nang mapaslang ng mga pulis sa kanilang bahay ang mga Parojinog.
ni ROSE NOVENARIO