DAPAT maging aral sa mga Filipino ang mga ginawa ni dating Sen. Benigno “Ninoy” Aquino, Jr., laging unahin ang kapakanan ng nakararami kapag ito ang kailangan ng sitwasyon kahit maging katumbas ng panganib sa ating buhay.
Sa kanyang mensahe sa ika-34 anibersaryo ng pagpatay kay Aquino, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang kasaysayan ang testigo kung paano ang trabaho ng dating senador bilang mamamahayag at politiko ang nagtulak sa kanya tungo sa positibo at makabuluhang pagbabago sa ating lipunan.
Sa buong karera aniya ni Ninoy ay ipinaglaban niya ang tama at makatuwiran at hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay ay nagsilbi siyang inspirasyon para sa mapayapang rebolusyon na nagresulta sa kalayaang tinatamasa natin ngayon.
Kahit sa panahon na tila wala nang pag-asa ay nanindigan si Ninoy sa kanyang pakikibaka upang maibalik ang demokrasya sa mapayapang paraan.
“May this year’s commemoration continue to strengthen his legacy of promoting solidarity and patriotism among our people, especially in these troubling times. Through his words of wisdom, let us reflect on his life and realize that, indeed, the Filipino is worth dying for,” sabi ni Duterte.
(ROSE NOVENARIO)