HINDI nababahala ang Palasyo sa ulat na may 30,000 bakwit ang may war shock bunsod ng trauma na idinulot ng krisis sa Marawi.
Sinabi ni Assistant Secretary Kristoffer James Purisima ng Office of Civil Defense, walang dapat ikalaarma sa report na may umiiral na “mental crisis” sa mga bakwit dahil tinutugunan ito ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na nakatutok sa sitwasyon.
“The 30,000 that I mentioned — kasama na ‘yun. Lahat ‘yun e. Lahat ‘yun, from the most basic,” aniya.
“Hindi ito alarming. This shouldn’t be alarming, because nor — normal ‘to in the sense that kung may pangangailangan sila, tinutugunan natin ‘yun at different levels, even at the lowest or at the most basic levels. Tinutugunan natin ito,” ani Purisima.
Kabilang aniya sa mental at psychosocial services na ipinagkaloob ng pamahalaan sa 30,000 bakwit ay psychosocial first aid, stress debriefing at psychiatric treatment.
Nakahanda aniya ang pamahalaan na paigtingin ang pagkalinga sa mga nasabing bakwit kapag naging seryoso ang kaso nila.
“Kung may kailangan na heightened or elevated level of response or intervention, ibibigay natin ‘yun. Kung kailangan ng most basic, ibibigay rin natin ‘yun… All I can assure the people is that we are providing everything we can for our IDPs on the ground,” aniya.
Sa datos ng Integra-ted Provincial Health Office (IPHO) hanggang noong 1 Agosto, may 30,732 bakwit ang nakitaan ng diperensiya sa pag-iisip.
Ang dahilan, ang nagtatagal na digmaan, mahirap na kondisyon sa evacuation centers at kawalan ng pag-asa sa kahihinatnan ng kanilang buhay.
“This is an emerging issue right now. Mental health issues should be part of the recovery plan,” ayon kay Zia Alonto Adiong, spokesperson ng Lanao del Sur Provincial Crisis Committee.
Noong 2 Hulyo, inatasan ni Cabinet Secretary at housing czar Leoncio Evasco Jr., ang Key Shelter Agencies na gumawa ng paraan upang ma-gamit ang kanilang budget para sa Gender and Development para kagyat na masaklolohan ang mga kababaihan at kabataang bakwit ng Marawi City.
Ilan sa target na paglaanan ng GAD funds ang hygiene kits at psychosocial support services.
Nabatid, maglalabas ng report ang tanggapan ni Evasco kaugnay sa progreso ng direktiba ng kalihim.
ni ROSE NOVENARIO