GAGAMITIN sa rehabilitasyon ng Marawi City at trust fund para sa pag-aaral ng mga anak ng sundalo ang P45-B ibabayad ng Mighty Corp., sa pamahalaan sa mga atraso sa hindi pagbabayad sa buwis.
Sa kanyang talumpati kamakalawa nang dumalaw sa mga tropa ng pamahalaan sa Marawi City, tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na makapagtatapos sa pag-aaral ang mga anak ng sundalo dahil sa itatayo niyang P50-B trust fund para sa kanila.
Paliwanag ng Pangulo, kahit ano ang kasapitan ng sundalo sa pagsisilbi sa bayan, makapagretiro nang buhay o mamatay sa pakikipagbakbakan ay dapat sigurado ang edukasyon ng kanyang mga anak.
“Maski na wala na tayo rito, you are in heaven, wherever you are, nakita ninyo naman na masaya kayo. At kampante na hindi maiiwan ang anak mo. Iyan ang habol ko riyan sa P50 bilyon. Kompleto na sana iyong sa Mighty King. P***ina Mighty, e pumutok ito [Marawi crisis], nakuha na naman ang kalahati. Sabi ko huwag ninyong galawin iyan because I promised that amount to the soldiers. Ibigay ko ang kalahati. It’s about 45. I’ll get the 20 and maybe dito sa rehab sa Marawi,” anang Pangulo.
Binigyan-diin ng Pangulo na, sukdulang magpakamatay ay gagawin niya para labanan ang violent extremism na inilalako ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) dahil kawawa ang susunod na henerasyon sa ating bansa kapag nagtagumpay ang maling ideolohiya, ang walang patumanggang pagpaslang sa kapwa.
“But we have to fight that kasi kawawa ang next generation. ‘Pag ma-overwhelm ito ng belief na ganoon ang ideology, na! Kung kailangang magpakamatay tayong lahat, magpakamatay, talagang tatapusin natin,” anang Pangulo.
Matatandaan, tatlong kaso ang isinampa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa Mighty sa Department of Justice (DoJ) dahil sa hindi pagbabayad ng excise tax at paggamit ng pekeng tax stamps.
(ROSE NOVENARIO)