IMBES ipagkanulo ang “source” minabuting aminin ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na walang katotohanan ang kanyang pahayag sa media hinggil sa P100 milyon suhol ng yellow group para sirain ang pamilyang Marcos.
Ang pangyayaring ito ay naganap sa hearing ng House committee on good government and public accountability matapos takutin at pagbantaan ni Ilocos Rep. Rudy Fariñas na ipakukulong niya si Imee kung hindi papangalanan ang kanyang source sa isyu ng P100 milyon suhulan.
Kung matatandaan, mismong sa HATAW at iba pang mga pahayagan lumabas ang balita na nagbigay ang yellow group ng P100 milyon sa mga kongresista para maipakulong si Imee sa Kamara at tuluyang sirain ang pamilya Marcos.
Lumalabas na ang bantang pagpapakulong kay Imee ay para matulad siya sa sinapit ng “Ilocos 6” na ipinakulong din ni Fariñas noong 29 Mayo.
Masakit ang sinapit ng “Ilocos 6.” Sa kabila kasi ng kautusan ng Court of Appeals na sila ay palayain, hindi pinakinggan ni Fariñas ang utos ng korte at sila ay tuluyang ipinakulong hanggang palayain nitong 25 Hulyo matapos dumalo si Imee sa hearing.
Halos dalawang buwang ibinuro ang “Ilocos 6” sa kanilang kulungan sa Kongreso.
Kung tutuusin, kayang pangalanan ni Imee ang kanyang “source” pero pinili niyang protektahan at akuin ang responsibilidad sa usapin ng P100 million bribery ng yellow group. Apat na beses pinagbantaan ni Fariñas si Imee, at matapos konsultahin si dating Senador Juan Ponce Enrile tuluyan nang nagsalita ang gobernadora.
Higit na detalyado ang istorya ng HATAW dahil binanggit mismo ang “source” ni Imee ay isang kongresista at mula sa Mindanao. Sa ibang pahayagan, walang detalye kung sino ang nagbigay ng suhol na P100 milyon mula sa yellow group.
Kaya nga kung susuriing mabuti, makatotohahan ang sinabi ni Imee na mayroong P100 milyong ‘kumalat’ sa Kamara para gipitin siya kabilang ang kanyang pamilya. Lumalabas na alam ni Fariñas na bibigyang proteksiyon ni Imee ang kanyang “source” at sa kalaunan ay aaminin na lamang ng gobernadora na walang katotohanan ang kanyang mga pahayag sa media.
No choice si Imee.
Hindi rin naman siya magpapakulong dahil alam ng karamihan na moro-moro ang hearing ni Fariñas. Tanging layunin nito ay ipahiya at ipakulong si Imee.
Pero kung titingnang mabuti, talo si Fariñas sa away niya kay Imee. Malaking salik sa propaganda ang pagpapakulong ng “Ilocos 6” at ito ang malaking dagok kay Fariñas.
Ang dapat na ginawa ni Fariñas, si Imee ang kanyang ipinakulong at hindi ‘yung kaawa-awang “Ilocos 6.” Higit na umani ng simpatiya ang “Ilocos 6” at tiyak na may paglalagyan si Fariñas at ang kanyang pamilya sa darating na 2019 elections.
SIPAT – Mat Vicencio