SA kabila ng ginastusan nang paunang promo blitz, ang dapat sana’y bagong TV assignment ni Mrs. Dantes na tumatalakay sa buhay ng mga OFW ay ginawa ng isang fantaserye.
Tsk, tsk, mukhang hindi talaga ”itinadhana” para sa kanya ang OFW-inspired show. Eh, kasi naman, pinaiingay pa lang ang nasabing proyekto like someone greeting the world, ”Hi, tadhana!” ay nagmistula na itong”Hitad-hana.”
Sa pinasilip pa lang kasing teaser nito, halatang walang speech tutor na nagturo kay Mrs. Dantes na bigkasin nang tama ang letter “F” sa acronym na OFW. Sukat ba namang i-pronounce niya ‘yon ng ”Oh-Ep-Double U,” eh, kahit ang mga pinag-aaral na anak ng mga OFW parent sa mababang paaralan ay madidesmaya na!
Kaso, ang ipinamalit namang programa ay batbat din ng irony!
Sa pamagat at pamagat pa lang ay guro ang papel na gagampanan ni Mrs. Dantes na may pambihirang kapangyarihan. Ewan kung kasama sa superhuman powers na ‘yon ang turuan ang kanyang mga estudyante sa kuwento ng wastong pagbigkas ng mga alphabet letter and word in English!
At para mapangatawanan pa rin niya ang kanyang Primetime Queen title kuno, siyempre ay ipalalabas ito sa primetime block. Pero huwag siyang magpakakampante considering na mabibigat ang lahat ng mga programang babanggain nito sa ABS-CBN.
Sana’y gawin na lang panghapon ang palabas na ‘yon kung kailan nasa bahay na ang mga batang estudyanteng galing sa eskuwelahan. Kaso, for sure, mas gugustuhin na lang nilang gumawa ng assignment sa English para ‘di sila magaya kay Mrs. Dantes!
HOT, AW! – Ronnie Carrasco III