MAAARING hindi pa ito napapalista sa Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders (DSM) o International Statistical Classification of Diseases and Related Health Problems (ICD), pero umasang mapapabilang din dito ang selfie-taking.
Bukod tanging problema ang epidemia sa India. Habang maipagmamalaki ng nasabing bansa ang world record para sa mga selfie, hawak din nito ang pinakamalaking bilang ng mga nasawi na may kaugnayan sa mga taong nagtangkang kumuha ng sariling ‘quick photo.’ Kadalasan ang involve sa mga ‘fatal’ o nakamamatay na selfie ay isang tren. Gayonman, sa ating kaso ngayon, isang 37-anyos lalaki ang tumukso kay kamatayan para magsagawa ng snake selfie.
Nagresponde ang mga opisyal mula sa forestry department sa napaulat na venomous snake attack sa isang hotel sa Mount Abu. Nang dumating sila, nadiskubre ng mga animal keeper na ang kanilang target, sa katunayan, isang 11-talampakan ang habang non-venomous python — o isang sawa. Matagal nang naninirahan sa nasabing lugar ang lumilingkis na ahas ngunit matapos lingkisin at kagatin ang isang hotel maintenance worker, nagdesisyon ang management ng hotel na alisin ang python mula sa kanilang premises.
Habang bitbit ang ahas na isinilid sa malaking sako, nakisali ang ilang mga empleyado ng hotel para magpalarawan at nagmungkahing mag-post ng video para sa website ng kanilang hotel na maaaring humimok sa mas maraming manlalakbay na tumira dito.
Dito nagpakuha ng selfie ang hindi pinangalanang 37-anyos na hotel employee. Dahil hindi nga sanay ang sawa na magpakuha ng larawan, bigla itong pumiglas at sinunggaban ang lalaking nakasuot ng kulay pink na polo.
Sa insiyal na mga ulat, sinasabing natuklaw ng ahas ang binata at lumikha ng malalim na sugat na nagresulta sa pagtagas ng maraming dugo. Sa iba namang ulat ay sinasabing hindi natuklaw kundi nasugatan nang maliliit at nagkapasa sa katawan.
Alin man ang totoo, sadyang naging paksa ang biktima para pagtawanan at pag-usapan sanhi ng kanyang katangahan.
ni Tracy Cabrera