HINDI pa namin nakakaharap nang personal ang mang-aawit na si Token Lizares na alaga ng kaibigang si Ate Mercy Lejarde. Nababasa lang namin ang kanyang pangalan na binansagang Charity Diva dahil sa mga singing engagements niya na ang proceeds ay inilalaan sa kawanggawa.
Isa sa mga naging benepisyaryo ng kanyang pagtatanghal kamakailan—kasama ang matagal na naming kaibigang si Malu Barry—ay si Richard Pinlac, isa sa malalapit naming reporter-friends mula pa noong dekada nobenta.
Tulad ng alam ng marami, na-stroke si Richard noong May last year, dahilan para hindi na makapagradyo sa programang Cristy Ferminute na ang inyong lingkod ang pumalit.
Personally, nais naming itawid ang aming paghanga at pasasalamat kay Token dahil sa kanyang layunin. Iilan lang ang mga tulad niyang mang-aawit na hindi maramot sa kanyang talento at nakukuha pang mamahagi ng ayuda sa tulad ni Richard.
Credit also goes to the recent birthday celebrator, si Ate Mercy, na nagdala pa kay Token sa sick bed ni Richard.
Kapuri-puri ang ginawa ni Token para sa isang kasamahan sa industriya. Harinawa’y mas marami pang makinabang sa mga act of charity ni Token sa pamamagitan ng kanyang musika.
Mabuhay ka, Token, dahil sa iyong magandang puso!
HOT, AW! – Ronnie Carrasco III