SA anumang girian na may isyung pinagdedebatehan, asahan n’yo na kapag wala nang maikatwiran ang isang partido’y mamemersonal na lang ito sa kanyang kalaban.
Ganito ang strategy ng ilang mga netizen na hindi matanggap na nag-number 1 si Kathryn Bernardo sa 100 Most Beautiful Stars sa Yes! Magazine.
Kesyo paano nanguna ang young actress gayong sakang ito? Granting na totoo nga ang pisikal na diperensiya ni Kathryn, partida pa nga ‘yon. What if she wasn’t born sakang?
Ang problema kasi sa karamihan sa atin, while todo-puri tayo sa isang tao ay nililibak naman natin ang iba. Can’t we build someone up without putting someone else down?
Isa pa, bakit hindi tirahin ng ibang netizens si Kathryn on the basis of being a public figure, halimbawa ang pagiging bano niyang umarte (na hindi naman), o pagiging suplada sa fans (na hindi rin totoo), o unfriendly toward the press (na hindi pa nangyari ni minsan)?
Why harp on her physical imperfections, eh, lahat naman tayo’y isinilang sa mundo na hindi perpekto? At saka kasalanan ba ni Kathryn kung number 1 siya, samantalang hindi naman siya nag- lobby at lalong hindi niya hiningi ang puwestong ‘yon?
Kabaligtaran ito ng kaso ng isang glossy magazine whose “King of the Gil” tag (splashed on the cover) patungkol sa isang Kapuso male newcomer ay inalmahan ng mga tagahanga ni Enrique Gil. As a consequence, humingi ng paumanhin ang nasabing babasahin.
Pero wala kaming nakitang masama sa bansag na ‘yon. Pun o play on words (or names?) ang tawag doon. Nagkataon lang na iba ang interpretasyon ng ilang fans na nag-akalang dina-down si Enrique habang pinupuri naman nito ang newcomer.
Back to Kathryn, kung nag-number 1 man siya sa talaan ng pinakamagagandang bituin, malinaw lang na pinaghirapan niya ‘yon.
Bagay na sana’y maunawaan ng mga taong may makikitid na utak!
HOT, AW! – Ronnie Carrasco III