VIRAL ngayon sa social media ang pinaniniwalaang scam ng isang grupo ng mga Pinay na dumayo sa Japan.
Nakunan ng video sa magkakahiwalay na lugar sa Tokyo ang ilang kababaihang Pinay na nanghingi ng ‘donasyon’ sa mga Hapones para umano sa mga biktima ng kalamidad sa Filipinas.
Naitampok ng isang Japanese television ang aktuwal na kuha ng video habang isinasagawa ng mga Pinay ang kanilang modus.
Puntirya ng grupo ang matataong lugar sa Japan, tulad ng train stations. Lumalapit sila sa mga naglalakad at dumaraang Hapones para magmolestiya ng abuloy.
May ipinakikita silang maliit na papel na sinlaki ng calling card at doon nakasulat ang pakay ng kanilang pangmomolestiya na nakasulat pa sa Japanese characters.
Nasundan umano sila ng Japanese television na nagsabing ang nakokolekta ng grupo ay sa personal at hindi sa sinasabing mga biktima ng kalamadidad ginagamit.
Ginawang kahiya-hiya sa telebisyon doon ang kanilang modus na makasisira sa imahe ng buong bansa.
Marami sa mga kababayan natin doon ang napahiya sa napanood at ikinabahala ang negatibong epekto na posibleng ibunga ng ilegal na gawain sa mga lehitimong Filipino na nakabase sa Japan.
Kaya ang mismong mga lehitimong kababayan din natin doon ang nag-upload ng sariling video na kuha sa kanilang cellfone habang sinisita ang mga natiyempohang gumagawa ng katarantadohan.
Dapat ay sa atin mismo magsimula ang inisyatiba para agad masawata ang mga gumagawa ng malaking katarantadohang ito na dumayo pa hanggang sa Japan para magkalat ng matinding kahihiyan.
Kailangan, mismong ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang kumilos para utusan ang ating Embahada na mag-imbestiga at alamin kung paano nakarating ang mga ‘yan doon sa Japan.
Mga dorobo, ne!!!
KAY FARIÑAS BUMALANDRA
MISTULANG amok na nagwala si House Majority Floor leader Rodolfo “Rudy” C. Fariñas matapos ideklarang “persona non grata” sa Ilocos Norte.
Nagbanta si Fariñas na kakasuhan ang Provincial Board Members ng Ilocos Norte na bumoto sa ipinasang Resolution No. 2017-06081 na nagdedeklarang siya ay persona non grata o itinuturing na ”unwelcome person”sa sarili niyang lalawigan.
Nag-ugat ang pagpasa ng resolusyon sa tinaguriang “Ilocos Six,” ang anim na empleyado ng Kapitolyo mula pa noong 29 Mayo ay ikinulong sa Kamara matapos tumangging sagutin ang mga tanong ng mambabatas kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y maanomalyang pagkakabili ng mga bagong sasakyan gamit ang pondo mula sa Tobacco Excise Tax.
Ayaw kilalanin ng Kamara ang utos ng Court of Appeals (CA) na palayain ang Ilocos Six.
Palalayain lamang daw ng mga mambabatas ang Ilocos Six kapag nagsabi ng katotohanan at nagbanta na ipabubuwag ang CA.
Siyempre, nanggalaiti si Fariñas dahil nakakahihiya nga naman na, of all places, ay sa sarili mo pang bayan ka pandirihan at matrato na walang kuwenta.
Sabi ni Fariñas, isa siyang Filipino at kahit daw ang mga kriminal ay hindi nadedeklarang persona non grata sa sariling bansa.
Sa madaling sabi, ngayong siya ang nadale ay naniniwala na si Fariñas sa proseso ng batas kaya ihahabla ang mga opisyal ng lalawigan na lumagda sa resolusyon.
Karapatan lang naman ng kahit sino ang magsampa ng reklamo o demanda laban sa sinomang inaakala niya na may ginawang paglabag sa batas.
Ang problema, naisip din sana ni Fariñas na ang Ilocos Six na inaakusahan ng katiwalian sa Kamara ay mga tulad din niyang may karapatan na sagutin ang akusasyon laban sa kanila sa tamang venue.
Kung may ebidensiya sa paratang na katiwalian ang Kamara at hindi pamomolitika lang ang isyu, sa Ombudsman nila dapat idulog ang kaso laban sa Ilocos Six.
Boomerang!!!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid