GUSTO ni Sharon Cuneta na gumawa ng isang pelikulang love story. Pero sinasabi nga ng marami na kung ang ambisyon niyang gawin ay kagaya niyong mga love story na ginagawa noong araw at nagiging malalaking hits, baka hindi na bagay.
Aminin naman natin mahigit 50 na ang edad ni Sharon ngayon. Iyong mga ganoong pelikula, siguro puwedeng gawin kung mga 20 o 30 ka pa lang. Pero pagdating ng 40, delikado na. Lalo na kung mahigit 50 ka na. Hindi na bagay.
Kung gagawa man ng isang love story si Sharon, kailangang pag-isipang mabuti kung ano nga iyong ipagagawa sa kanya. Kailangang planadong mabuti ang istorya. Willing naman siyang makipagtrabaho kahit na sa isang baguhan. May suggestion pa nga siyang mag-audition ng bago, dahil iyon ang mga sinasabi naman niyang maaari niyang maging leading men na sina Richard Gomez, Aga Muhlach, at Robin Padilla ay mukhang hindi nagre-respond.
May nagsasabi ngang siguro ang isang kuwento na magagawa ay isang May-December love affair, kung may makukuha silang kagaya halimbawa ni Gil Cuerva na kinagat agad ng masa. Pero dapat pag-ingatan ang kuwento, iyong hindi naman lalabas na alanganin para kay Sharon.
Kailangan nga siguro ganoon, dahil ang mahilig sa mga love story iyong younger generation eh. Kaya kailangan siguro iyong leading man, tanggap ng mga kabataan. Noong araw natatandaan namin, sinasabi ng manager ni Sharon na si Mina Aragonna si Sharon ay mahirap isugal sa ibang genre ng pelikula. Kaya sinasabi nga niya, dapat pagdating ng megastar ng 40, mag-exit na siya sa pelikula at kumanta na lang.
Eh nawala na si Mina. Nabago na ang diskarte sa career ni Sharon. Siyempre iba na ang mga idea. Kailangan maging maingat sila dahil kung hindi, aba sayang naman ang naabot na ng career ni Sharon. Hindi siya dapat hayaang bumaba.
HATAWAN – Ed de Leon