ISA si Jeffrey Tam sa mga actor natin na typical na low-profile lang, pero may nakatagong galing talaga. Mula sa pagiging kasamang rapper ni Andrew E., na siyang discoverer ni Jeffrey, siya ay naging magaling at award-winning na magician at versatile actor.
Ngayong 2017 ay eksaktong 20 years na si Jeffrey sa mundo ng showbiz, at kahit walang manager, patuloy na humahataw ang kanyang showbiz career.
Bahagi siya ng Ikalawang yugto ng FPJ’s Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin. Bukod dito, kasama siya sa pelikulang The Spider’s Man na tinatampukan nina Richard Quan at Direk Ruben Maria Soriquez. Katatapos lang gawin ni Jeffrey ang pelikulang We Will Not Die Tonight ni Direk Richard Somes.
Ang naturang pelikula ay madugo at punong-puno raw ng aksiyon. Ibang Jeffrey Tam din ang mapapanood dito. ”Madugo, madugong pelikula ito. Gang movie. So laban silang dalawang gang. Si Erich Gonzales ang bida rito, kasama namin sina Paolo Paraiso, Alex Medina, Max Eigenmann, Sarah Abad, Thou Reyes…
“Kontrabida ako rito. Part ng kontrabida is Paolo Paraiso, ako, Marella Torres, anak ni Joel Torre, saka si Sarah Abad. Gang war ito, ako ‘yung pangalawa, ako ‘yung kanang kamay ni Paolo. Kalaban namin sina Erich,” esplika ni Jeffrey.
Nabanggit din niyang masayang-mahirap daw ang paggawa ng pelikulang ito. “Masayang-mahirap, kasi sobrang stressful dahil dito sa movie na ito walang small scene, e. From beginning hanggang end, habulan nang habulan, suntukan nang suntukan, saksakan… so challenging para sa akin.
“Kasi first movie ko na ginawa way back 97 ay Gangland, so parang ganito rin ‘yun. So parang, sa akin, parang bumalik lang after 20 years. Kasi 2017 ngayon at ganoon din halos ang tema. So parang nai-excite ako na from Gangland dire-diretso ako puro comedy na e, ‘di ba? So, hindi ako naka-portray ng role na talagang challenging para sa akin. Eto, isa ‘to sa challenging role na ginawa ko, kasi talagang seryoso ‘yung character ko, nagmumura… so ibang Jeffrey Tam ‘yung makikita nila.”
Nabanggit din niyang nag-enjoy siya sa pelikulang ito. “Oo enjoy ako rito, kasi hindi ‘to ‘yung usual na ginagawa ko, e. Isa ito sa nakalista sa akin na mga dream role ko. Nasa bucket list ko iyan e, na dream role ko talaga ang magkontrabida.”
Ano’ng masasabi niya kay Erich? “Okay siya katrabaho, actually first time ko siya makatrabaho. Si Erich professional, kasi sobrang tinutukan niya ‘yung training niya, from fight scenes hanggang naggi-gym pa siya. Wala ako masabi, okay siya katrabaho.”
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio