Friday , November 15 2024

Ban sa casino financiers maipatupad kaya ng PAGCOR?

00 Kalampag percyIPAGBABAWAL na raw ang mga ‘financier’ at ‘loan sharks’ sa lahat ng mga casino at ga-ming facilities ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa buong bansa.

Ayon kay Chairman Andrea Domingo, nagpalabas na siya ng advisory na sumasaklaw sa lahat ng casino, kabilang na ang bingo at e-games facilties na nasa superbisyon ng PAGCOR.

Ang tinutukoy na financiers at loan sharks ay ‘yung mga nagpapautang o tumatanggap ng mga sangla sa mga sugarol na nais makabawi kapag natalo o naubusan ng ipansusugal.

Lalo nga namang nababaon ang mga sugarol dahil saan mang casino ka mapadpad ay naglipana ang financiers at loan sharks, small time at bigtime, na nauutangan.

Baka nga sa rami nila ay hindi na kayang bilangin ang kung ‘di man nawasak pati ang pa-milya ay napariwara ang sariling buhay dahil sa matinding pagkalulong sa casino.

May mga narinig na tayo na ginawang solusyon ang pagpapatiwakal, makatakas lang sa mga pinagkakautangan.

Hindi rin mauubusan ng kuwento pagdating sa mga napariwarang kababaihan na kadalasa’y ibinebenta pati ang sariling katawan para lang may maipansugal sa casino.

Ano pa’t pinakamakapal na aklat siguro ang maililimbag kung itatala ang mga katulad na kuwento sa casino.

Maganda lang sa pandinig ang sinasabi ni Chairman Didi Domingo, pero ang hindi natin alam ay kung paano ipapatupad ang regulasyon laban sa mga financier at loan sharks, lalo sa mga casino sa loob ng malalaking hotel.

Sa mga casino lamang may superbisyon ang PAGCOR at hindi nila sakop ang mga hotel na may casino na tambayan ng mga financier.

Halos lahat ng financier at loan sharks ang nagtatamasa ng sky is the limit na pribilehiyo sa PAGCOR at mga casino, tulad ng libreng hotel at food accommodation.

ECONOMIC SABOTEURS

SA totoo lang, imbes ipagbawal ay dapat ipa-huli at pakasuhan ng pamahalaan ang mga financier ng pananabotahe sa ekonomiya ng bansa.

Ni singkong duling ay walang kinikita ang gob-yerno sa mga financier na hindi nagsisipagba-yad ng buwis dahil ilegal ang kanilang negosyo, casino mismo ang ginagamit nilang opisina.

Marami sa mga bigtime financier ay pawang mga dayuhan at ang kanilang kinikita rito ay ipinapalit ng dolyar at diretsong ipinadadala sa kanilang offshore accounts sa pamamagitan ng mga banko na malakas magpahina sa ating ekonomiya.

Isa pa, puwede rin naman silang pumuwesto kahit nasa labas sila ng casino. Ipagbabawal na pumasok kaya balewala kung hindi sila ipakukulong sa kasong economic sabotage.

MGA BANKO AT ATM
IPAGBAWAL SA CASINO

Wala bang balak si Domingo at ang PAGCOR na maglabas naman ng epektibong advisory para maipatupad ang batas na nagbabawal sa mga empleyado at opisyal ng pamahalaan na pumasok sa mga casino at pasugalan?

Kung totoong concern si Domingo at ang PAGCOR na sawatain ang pagkalulong ng mga sugarol, ipagbawal ang mga ATM machine at ang mga banko hindi lamang sa loob, kung ‘di pati sa labas ng mga casino.

SHAKE DOWN PARA MASOLO?

HINDI raw naman kaya balak lang ipaimbudo ng PAGCOR ang loan shark business sa isang financier na malakas ang kapit ngayon sa matataas na opisyal ng pamahalaan, tulad ng hinala sa online gambling ni Kim Wong?

May mga nagdududang ang intensiyon ng sinasabing advisory ay para masolo ng isang financier ang loan shark business sa bansa.

‘Pag nagkataon, tumpak ang hinala, tiyak na kontrolado na ang buong industriya ng casino sa bansa.

Magagawa na rin hawakan sa leeg ng isang negosyante ang mga opisyal ng pamahalaan kapag nangyari ‘yan.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *