BUGBOG-SARADO sa netizens si Sen. Cynthia Villar kasunod ng kanyang panukala na dapat ipagbawal ang ‘unli-rice’ promo sa mga resto.
Pero matapos mabansagang anti-poor sa social media ay mistulang napaso ng ma-init na unli-rice ang senadora at mabilis na kumambiyo ang senadora.
Depensa ni Villar, wala raw siyang plano na magpasa ng batas para ipagbawal ang unli-rice.
Ayon sa senadora, nagpahayag lang siya ng malasakit na ang sobrang pagkain ng kanin ay masama sa kalusugan.
Base kasi sa pag-aaral, ang labis na pagkain ng kanin ay maaring maging dahilan ng mabigat na karamdaman at ilan sa sinasabing sanhi ng high blood at pagtaas ng sugar na posibleng humantong sa diabetes.
Ako man, nakadarama rin ng pagbigat ng pakiramdam sa tuwing napaparami ang kain ko ng kanin.
Sa mga bansa sa Asia ay tayong mga Pinoy ang pinakamalakas magkonsumo ng bigas at kumain ng kanin.
Dapat siguro ay isip-isip lang din muna si Villar ‘pag may time bago magpakawala ng mga panukala o mungkahi para hindi mapagtawanan.
Ang diabetes, ayon sa estadistika, ay isa sa sinasabing mapanganib na karamdaman at na-ngungunang sanhi ng pagkamatay ng maraming tao ngayon sa mundo, kahit sa mga bansa na hindi naman kumakain ng kanin.
Ipinapayo ng mga manggagamot ang malabis na pagkonsumo ng kanin kapag ang tao ay may mga sintomas na ng pagiging diabetiko.
Mas lalong masama sa kalusugan ang pagkonsumo ng asukal para sa mga taong diabetiko na hindi lamang nakukuha sa pagkain ng sobrang kanin, kung ‘di isang uri ng karamdaman na namamana o nasasalin sa pamilya.
Bakit walang nakaisip na ipagbawal ang asukal kung masama pala ito sa kalusugan at nakamamatay?
Hindi naman kasi pare-pareho ang metabolismo ng tao at mas marami ang nakamana lang ng sakit na diabetes sa kanilang angkan.
Marami sa mga Pinoy ang walang maipambili ng ulam kay idinadaan sa sobrang kanin para mabusog.
Ibig sabihin, ang klase ng pamumuhay ng mamamayan ang dapat unang pahalagahan at pag-isipan ni Villar, kaysa awatin sa pagkain ng kanin.
Akala yata ni Villar ay pasyente niya tayo, at pati mga doktor ay gusto pang agawan ng trabaho sa pagrereseta.
Ang dapat pagkaabalahan at pag-isipan ni Villar ay kung paano makalilikha ng batas na ipag-bawal ang “unli-nakaw” ng mga nasa pamahalaan, imbes ang unli-rice promo ng maliliit na resto.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid