SUSPENDIDO na raw si City Prosecutor Edward Togonon habang iniimbestigahan sa kaso ng 4 senior citizens na pinaniniwalaang biktima ng ‘tanim-droga’ na ipinag-utos palayain ni Department of Justice (DOJ) Sec. Vitaliano Aguirre II noong nakaraang buwan sa headquarters ng Manila Police District (MPD)?
Hindi marahil kombinsido ang DOJ sa paliwanag ni Manila chief prosecutor Togonon kung bakit namalagi nang mahigit anim na buwan sa kulungan ang mga senior citizen sa kabila na naibasura ang kaso laban sa kanila.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 25 MPD police officers na suspetsang bumiktima sa 4 senior citizens sa tinutuluyang hotel noong November 2016.
Isa sa mga biktima na kinilalang si Api Ang, 61 anyos, ang inatake sa puso at namatay noong April habang nakakulong sa headquarters ng MPD.
Ang apat ay inaresto sa tinutuluyang hotel sa isang raid noong November 21, 2016.
Tinangay umano ng mga pulis mula sa mga biktima ang halagang P1.7 million cash nang isagawa ang raid.
Pinagpaliwanag ni Aguirre si Togonon kung bakit hindi pinalaya ang mga biktima, gayong ang kaso laban sa kanila ay ibinasura ng Manila Prosecutors Office.
Naghain ng reklamo ang abogado ng mga biktima sa DOJ laban sa irregularities ng isinagawang raid ng mga pulis at kuwestiyonableng pagtrato ng prosecutors office sa nabanggit na kaso ng 4 senior citizens.
Sinunod dapat ni Togonon ang Circular No. 004 na agad palayain ang isang akusado sa ilegal na droga kapag naibasura ang reklamo sa piskalya kahit subject ng automatic review sa DOJ ang kaso.
Si Togonon ay protégé at paboritong fixcal, este, fiscal pala, ng naka-bilanggong suspected illegal drugs protector na si Senator Leila de Lima.
Kasama si Togonon sa binuong panel na itinalaga ni De Lima na nag-imbestiga at nagsampa sa nabasurang kaso ng electoral sabotage laban kay dating Pang. Gloria Macapagal Arroyo.
Bilang gantimpala sa mahalagang papel na kanyang ginampanan sa pagsasampa ng kaso laban kay GMA, mula sa lungsod ng Muntinlupa ay inirekomenda ni De Lima at kababayan niyang si noo’y senate president Franklin Drilon kay dating Pang. Noynoy Aquino na maitalagang chief prosecutor sa Maynila si Togonon.
Hindi raw kaya sinadya ang pagbalewala sa Department Circular ni Aguirre na bumago sa Circular ng dating among si De Lima?
Aywan lang natin kung may katotohanan ang suspetsa na may kinalaman si Togonon sa pagkakabasura ng kasong inihain ni Bongbong Marcos sa Maynila laban sa Smartmatic.
WALA PANG RESO
SA MPD ‘NINJA COPS’
PERO hindi pa natin batid kung kasamang uukilkilin ng DOJ si Togonon sa kaso ng 15 miyembro ng Manila Police District Anti-Illegal Drugs (DAID) na nahulihang nagtatago ng 5-kilo ng shabu sa kanilang locker.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid