MISMONG si PAGCOR Chairman Andrea Domingo, ang nakatuklas ng mga kapalpakan ng mga casino.
Talaga yatang ganoon, kailangang may trahedya munang maganap bago matuklasan ang mga kapalpakan.
Isa sa dapat na masusing pag-aralan ay kung paano maipapatupad ang ban na sa loob ng casino para hindi na muling makabalik para magsugal.
Sa entrance pa lang bago daraan sa metal detector para i-tsek ang personal belongings ay hindi sapat para makilala ang mga manunugal na ban. Dahil wala namang listahan ng mga taong ban ang mga nakatalagang security. Kapag wala kang membership card, tuturuan ka ng nakatalagang security na pumunta sa kuhaan ng mebership card.
Walang hawak na listahan ng ban na casino players ang mga nakatalagang security bago pumasok sa loob ng casino, paano mapipigil na pumasok ang manunugal na ban? Kailangan ay gumawa muna ng katarantadohan, bago matuklasan? Iyan ang isang problema sa loob ng casino.
***
Isa pang problema ay maraming nagkalat na mga ‘amuyong’ ibig sabinin ay mga taong wala namang pera na pansugal, nakabantay sa mga manlalaro na nakikitang nanalo. Tatabihan at kapag medyo mabait ang manlalaro ay kakaibiganin ito, para makahingi ng balato. O kaya ay maingay habang naglalaro ang player ng slot machine. Siyempre maiinis ang player, pero mas matapang pa ang amuyong!
***
Minsan naman may lalapit sa player para magsanla ng cellphone, at mga alahas, kesyo gusto raw makabawi.
Pero ingat lang dahil kadalasan, peke ang alahas lalo na kung mura lang ang pagkakasangla! Isang kaibigan ko ang nabiktimna, isang iPhone 5 ang isinangla sa kanya sa loob ng casino, pag-uwi niya ng bahay binuksan niya ang likod ng cp, walang battery at iba-iba at sira ang LCD, bale limang libo lang isinangla sa kanya!
***
Maraming modus operandi sa loob ng casino, iba’t ibang uri ng panloloko. Meron din mga miyembro ng salisi gang. Habang abala ang player lingid sa kanyang kaalaman ay nadadale na ang bitbit na hindi iniiwanan sa baggage counter sa pangambang mas mawala.
Sa loob ng casino ay para ring nasa kalsada dahil naroroon sa loob ng casino ang lahat ng masamang elemento!
PAALAM JERRY SABINO
Paalam sa aming photograpaher na si Jerry Sabino na inihatid na sa kanyang huling hantungan nitong araw ng Linggo. Isang pasasalamat sa mga Senador na nakidalamhati, nagpadala ng abuloy sa pamilya at magagandang bulaklak.
Paborito ni Jerry sina Senator Cynthia Villar at Senator Bongbong Marcos. Higit sa lahat kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez at City Administrator Ding Soriano na napakalaking tulong sa pamilya ni Jerry ang akuin ang gastos sa kanyang burial.
Sa lahat ng tumulong, kay Hataw publisher Jerry Yap at buong staff, sa vendor na si Carol at mga kasamahan nila, ang inyong lingkod, mga kasama sa Parañaque Press Club, Senate reporters and photographers, isang pasasalamat sa inyong lahat!
ISUMBONG MO KAY DRAGON LADY – Amor Virata