PINAPANGARALAN ba ni Aiza Seguerra ang Pangulong Digong Duterte nang sabihin niyang ”hindi dapat ginagawang biro ang rape?” Tama naman siguro ang sinabi ni Aiza pero nasabi naman iyon ng presidente ng alam mong pabiro lang. In the first place hindi niya sinabing kukunsintihin niya. Ang sabi niya, may mangyari mang ganoon pananagutan niya, na natural panagutan niya bilang commander in chief dahil nagdeklara siya ng Martial Law. At least hindi siya kagaya ng ibang commander in chief na pinanonood na ang drone video na parang video game, tapos sasabihin pang wala siyang kinalaman sa nangyari.
Pero hindi iyong ganoong salita ang hinihintay naming marinig mula kay Aiza. Ang gusto naming marinig ay isang solid na programa para sa mga kabataan, kasi iyon ang trabaho niya. Halimbawa, humarap pa siya sa isang press conference na sumusuporta sa pelikulang Filipino. Trabaho iyon ng pinakasalan niyang si Liza Dino, walang kinalaman sa pelikula ang kanyang ahensiya. Walang kinalaman ang kanyang ahensiya sa pagpapalabas ng mga pelikulang walang makuhang sinehan.
Ang dapat na marinig sa kanya, ano bang programa ang para sa mga kabataan. May unrest ang mga kabataan, lalo’t pinayagan na namang magtaas ng tuition ang mga eskuwelahan. May proyekto ba para sa mga kabataang hindi na makapapasok sa eskuwelahan dahil walang pera? Maraming mga kabataan ang biktima ng kaguluhan sa Marawi, may programa ba para sa kanila? Ang problema sa Pilipinas, lalo na iyang mga political appointee na nalagay sa ganyang posisyon bilang “political pay off” o dahil sa “utang na loob ng mga nanalo,” hindi nila talaga nila napaghandaan ang kanilang posisyon. Hindi nila alam ang kanilang gagawin.
Kailan haharapin nang lubusan ni Aiza ang mga programa para sa kabataan? At the most anim na taon lang siya sa puwesto. Hindi forever iyan. Hindi niya maaaring kantahin nang kantahin ang ”pagdating ng panahon”. Gobyerno na iyan eh, hindi na Eat Bulaga.
HATAWAN – Ed de Leon