EWAN kung hindi mo matatawag na kawalanghiyaan iyang kumalat sa mga social media blogs na umano, inamin ng megastar na si Sharon Cuneta na siya ay mayroong “full blown AIDS”. Kino-quote pa si Sharon na umamin umano na sa kanyang last check up, ang kanyang t-cell count ay nasa 95 na lamang. Ang normal na tao ay may t-cell count na 2,500, o mas mataas pa. Basta bumaba iyan sa 100, full blown AIDS na iyan. Hindi ba masasabi mong walang hiya ang gumawa niyan dahil hindi naman totoo ang balitang iyan.
Kung mag-iisip ka, hindi kapani-paniwala ang balitang iyan, pero ilang tao nga ba ang nag-iisip matapos na makabasa ng ganyan. Iyong dami ng nag-share pa ng fake news na iyan ay nangangahulugang marami rin ang naniwala. Iyang fake news na iyan ay may bahid politika, dahil sinasabi pang si Sharon ay nahawa sa kanyang asawang si Senador Kiko Panglinan, pero ayaw aminin niyon kung saan niya nakuha ang HIV virus.
Ngayon may kumalat na ganyan, saan mo hahabulin para mapanagot sa ilalim ng batas ang mga walanghiyang gumawa niyan? Social media nga iyan eh. Hindi naman sinasabi kung sino sila talaga. Wala kang paraan para hanapin sila dahil maski ang mga e-mail na ginagamit nila para makagawa sila ng mga ganyang blogs ay peke rin.
Kaya nga kami naninindigan na iyang social media ay hindi mapagkakatiwalaan kagaya ng mga lehitimong diyaryo, radio, at telebisyon. Iyong mga lehitimong peryodista, hindi gagawa ng ganyan kasi mapapanagot sila basta gumawa sila ng mga ganyang kawalanghiyaan. Iyong mga lehitimong diyaryo, hindi rin gumagamit kahit na fake pictures. Iyong mga lehitimong diyaryo, ni hindi gumagamit iyan ng mga picture na walang pahintulot na kumuha dahil alam nila na may batas sa copyright at iginagalang iyon ng lehitimong media.
Kung sa bagay, ang naloloko lang naman niyang mga ganyang balita ay iyong mahilig na magbasa ng mga blog na ginagawa lamang ng kung sino-sino. Dapat ba nating kunsintihin iyang mga ganyang katarantaduhan? Dapat bang suportahan iyang mga ganyang blogs at social media?
Mag-isip naman kayo.
HATAWAN – Ed de Leon