MAY isang editor na nagtanong sa amin, ”talaga bang walang home for artists ang KAPPT na maaaring maalagaan ang mga matatanda nang artista na walang mapupuntahan?”
Ha? Home for the artists? Iyong pambili nga lang ng gamot ng mga artistang may sakit at wala nang kabuhayan, ipinaghihingi pa nila eh. Wala namang pera iyang mga guild. Karamihan sa mga artista hindi naman nagbabayad ng membership dues. Iyong mga sikat na may pambayad, walang pakialam. Hindi mo nga sila makikita sa mga okasyon ng Actors’ Guild.
Hindi naman sinusuportahan iyan ng mga kapitalista, ng mga network at mga producer. Kasi samahan iyan ng manggagawa, baka kung lumakas pa iyan sila pa ang suwagin. Hindi ba umaangal na nga sila roon sa twelve hours working day ng mga artista? Hindi ba hanggang ngayon basta gusto ng mga producer na maghapon magdamag ang mga artista wala silang magagawa. Basta umuwi sila pagmumultahin sila at sisiraan pa sila sa social media, sasabihing unprofessional sila.
Mahirap ang sitwasyon nila, kaya sabi nga namin, puputi ang buhok ni Imelda Papin sa pagiging presidente niya ng KAPPT.
(Ed de Leon)