PANIBAGONG kaso na naman ng ‘serious illegal detention’ ang kakaharapin ng ilang opisyal at tauhan ng Manila Police District (MPD) sa kaso ng apat na pinaniniwalaang biktima ng ‘tanim-droga’ na ipinag-utos palayain ni Department of Justice (DOJ) Sec. Vitaliano Aguirre II noong nakaraang linggo.
Pinagpapaliwanag ni Aguirre si Manila chief persecutor, ‘este, chief prosecutor Edward Togonon kung bakit ikinulong ng anim na buwan ang apat na inaresto ng MPD noong nakaraang taon kahit nabasura na ang isinampang kaso laban sa kanila.
Nitong nakaraang buwan ng Abril, ang 61 anyos na si Api Ang ay itinanghal na bangkay sa loob mismo ng kulungan ng MPD headquarters matapos mamatay sanhi ng atake sa puso.
Si Ang ay kabilang sa apat na senior citizen na inaresto sa isang hotel na kanilang tinutuluyan sa Sta. Cruz, Maynila nang hindi kukulangin sa 25 tauhan ng MPD noong Nobyembre 2016.
Kung hindi kidnapping ay ano ang tawag ni Togonon sa 4 senior citizen na kahit may release order ay hindi pinalaya ng MPD, “secret detainees” o “special guests?”
Bukod sa mga pulis ng MPD na humuli at nagkulong sa 4 senior citizen, kasama rin si Togonon sa mga dapat panagutin sa pagkamatay ni Ang.
Ayon kay Aguirre, alinsunod aniya sa Department Circular No. 004 na kanyang nilagdaan noong Enero 4, 2017, dapat palayain sa kulungan ang sinomang naaresto kapag ibinasura ng piskalya ang kaso kahit ang mga asuntong sakop ng automatic review sa DOJ.
“In other words, the Department solemnly abides with the Constitution and, as a matter of high policy, directs all its officials and personnel to ensure that no person shall unduly suffer prolonged detention once his or her case has been dismissed, even if the same should be subjected to an appeal or review,” sabi ni Aguirre.
Si Ang at 3 pang kasamahan ay pinaniniwalaang biktima ng ‘tanim-droga’ at pangingikil ng mga tiwaling opisyal at tauhan ng MPD na walang ipinagkaiba sa nabukong “secret jail” ng Station I sa Tondo.
‘Yan ay patunay lang na hindi pa nabubuwag ang “Ninja Cops” at scalawags sa hanay ng PNP, na ang “modus” ay isinasakay sa inilunsad na giyera ni Pang. Rodrigo R. Duterte laban sa illegal drugs para hindi sila mahalata.
Apat na pulis-Makati naman ang nalambat nitong nakaraang linggo rin sa kaso ng kidnapping na bumiktima sa magkasintahan na kinikilan ng P250,000 at tinakot pang papatayin ang pamilya kapag hindi naibigay ang balanse.
Ilan lamang ito sa criminal activities ng mga hindoropot sa pulisya, kesehodang inosente at mga walang kasalanan ay pineprehuwisyo basta’t magkapera lang.
Ayon sa testigo, kinuha rin ng mga pulis na humuli ang mahigit sa P2-milyon mula sa mga inarestong senior citizen bago sila dinala sa MPD.
Tumagal nang mahigit tatlong oras ang raid ng mga pulis sa loob ng hotel, bagay na talaga namang kahina-hinala.
DRUG CASE VS MPD 15
2014 PA KAY TOGONON
SI Togonon, na kadarating lang mula sa Europe, ay dapat din pagpaliwanagin ni Aguirre tungkol sa 15 opisyal at tauhan na dating nakatalaga sa MPD Anti-Illegal Drugs unit.
Noong November 10, 2014, sinalakay ng kanilang mga kasamahang pulis sa Special Weapons and Tactics (MPD-SWAT) ang tanggapan ng DAID at nasamsam ang 5-kilo ng shabu sa loob ng kanilang locker na may katumbas na halagang P25-Milyon.
Bukod sa shabu, nakompiska rin mula sa locker ng DAID ang mga dahon ng marijuana leaves, Valium (generic name diazepam) capsules, at “used” tooters, used aluminum foil at P50,000.
Sa panayam natin kay dating MPD chief Gen. Rolando Nana noong nakaraang taon, sinabi niyang nakabinbin pa ang kaso sa tanggapan ni Togonon at ganito rin ang sinabi ng isang prosecutor sa Maynila na ating nakausap.
Sa madaling sabi, tatlong taon nang nakatago ang kaso ng 15 pulis na pagkatapos ng raid ay idenistino lamang sa National Capital Region Office (NCRPO) at hindi nasasampahan ng kaukulang kaso sa hukuman hanggang ngayon.
Baka naman may magandang paliwanag si Togonon kung bakit tatlong taon na ay hindi pa umuusad ang nabanggit na kaso laban sa mga pulis na sangkot sa pagtatago ng droga?
Sa pagkakaalam natin, ang DAID ay hindi custodian para gawing taguan ng shabu ang kanilang mga locker.
At nasaan na kaya ang nahuling shabu?
Subaybayan!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid