Friday , November 15 2024

“Tokhang for ransom” at MPD ‘secret dungeon’

00 Kalampag percyNANGAKO si Pang. Rodrigo R. Duterte noong Biyernes na paiimbestigahan ang nadiskubreng “secret jail” sa Station I ng Manila Police District (MPD).

Sa sorpresang inspeksiyon ng Commission on Human Rights (CHR) noong Huwebes ng gabi, bumulaga sa media ang isang ‘secret dungeon’ o lihim na bartolina ng MPD sa Tondo na natatakpan ng isang aparador.

Magkakasamang tumambad mula sa secret jail ang 12 drugs suspects na babae at lalaki na ang mga pangalan ay pawang hindi nakarehistro sa police blotter at ang detalye kung paano, saan at kailan sila naaresto at ikunulong ng mga pulis sa MPD Station I.

Sa unang panayam ng media, ilan sa kanila ang nagsabi na mula walo hanggang sampung araw na silang nakabartolina sa makipot at mabahong secret jail na hiwalay sa talagang kulungan ng MPD Station I.

Ilan din sa suspects ang nagsabing sila ay sinaktan at pinahirapan ng mga tauhan ni Supt. Robert Domingo, ang sinibak na hepe ng MPD Station 1.

Bukod kay Domingo, sinibak din ang 12 miyembro ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Station I.

Ayon pa sa mga drugs suspect, sila ay ipinatutubos ng mga pulis sa kanilang mga kaanak kapalit ng kanilang paglaya.

Paano ipaliliwanag ni Domingo at ng kanyang mga tauhan kung bakit wala sa blotter at hindi nasampahan ng kaso ang kanilang mga ikinulong sa secret jail sa loob ng 36-oras na taning sa batas?

Ipinagbabawal sa batas na ikulong ng mga awtoridad ang sinoman na lagpas sa 36-oras nang hindi nasasampahan ng kaukulang kaso sa piskalya.

Tagilid na mapanagot si Domingo at ang kanyang mga tauhan sa multiple serious illegal detention, walang ipinagkaiba sa kasong kidnapping na walang piyansa.

Matatandaan na ang tinaguriang PDAF scam brains na si Janet Lim Napoles ay nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo at hindi pinayagang makapagpiyansa sa 1-count ng kasong arbitrary detention kay whistleblower Benhur Luy.

Sabi nga ni Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson, ang mga pulis na sangkot sa nabulgar na katarantaduhan ay walang ipinagkaiba sa sindikato ng kidnap-for-ransom at dapat itrato tulad sa mga kriminal na sila pa man din ang naatasang sumawata.

Kaisa ni Lacson ang matataas na opisyal ng PNP na labag sa batas ang secret jail at ang pagkulong sa mga suspect kaya nga agad pansamantalang sinibak sa puwesto ang mga sangkot na pulis.

Paniwala ni National Capital Region Office (NCRPO) chief Gen. Oscar Albayalde, kahit sa ibang lungsod na kanyang nasasakupan ay may katulad na secret jail na kapag hindi nakapagbayad ng ransom ang mga suspect ay saka lamang tinutuluyang sampahan ng kaso.

Bukod-tanging si PNP chief Dir. Gen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa lang ang mag-isa sa paniwala na wala raw ginawang mali ang kanyang mga tauhan sa MPD Station I, ayon sa kanya.

Kaya naman hindi maipagmamalaki ni Gen. Bato kung binago ng mga suspect na ikinulong sa secret jail ng MPD Station I ang mga nauna nilang pahayag nang personal niyang makausap.

Ang tawag diyan ay “under duress.” Sa takot na muli silang dumanas ng kalupitan sa kamay ng mga pulis kaya binago ang kanilang pahayag na maaari pa rin naman nilang bawiin sa husgado.

Marami sa ating mga tagasubaybay ang tumawag at nagsabing matagal na ang secret jail sa MPD Station I na gamit sa ‘tokhang for ransom’ pero ngayon lamang nabuko at naisapubliko.

Isa sa hamon ng mga tumawag sa atin ay mismong si Pang. Digong at CHR ang gumawa ng hakbang kung paano hihimukin ang mga dati at naunang biktima na ikinulong sa mga secret jail pero pinalaya matapos makapagbayad ng ransom.

Kabilang din sa dapat paimbestigahan ni Pang. Digong ang seksuwal na pang-aabuso ng mga tiwaling pulis sa mga kababaihang naaresto sa kaso ng droga kapalit ng kanilang paglaya.

Ginagawa umanong parausan ng mga pulis ang mga kababaihan na kanilang makukursunadahan, at kahit wala namang droga na nahuli sa kanila ay tinataniman ng ebidensiya.

Sa ngayon, abangan na lang natin ang kapana-panabik na hakbang ni Pang. Digong laban sa mga scalawag at tiwaling miyembro ng pulisya na nagpaparumi sa malawakang kampanya na kanyang inilunsad kontra ilegal na droga.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *