NGAYONG araw ipinagdiriwang ng mga manggagawa ang Labor Day. Para sa mga manggagawa, ang Mayo 1 ay isang sagradong araw para magsama-sama at ipakita ang kanilang lakas, at hilingin sa pamahalaan ang kanilang mga karaingan.
Kapag dumarating ang Araw ng Paggawa, ang usapin sa sahod ang kalimitang tampok sa kanilang mga kahilingan. Problema pa rin kasi hanggang ngayon ang hindi pagsunod ng mga negosyante sa minimum wage law.
Sa mga pabrika sa Metro Manila, talamak ang hindi pagpapatupad ng minimum wage law, at hindi natin malaman kung bakit hanggang ngayon ay walang aksiyon ang pamahalaan sa ginagawang paglabag ng mga negosyante.
Nasaan si Labor Sec. Silvestre Bello III?
Obligasyon ni Bello na proteksiyonan ang mga manggagawa bilang Labor Secretary, at nararapat lang na siguruhin niya kung tumu-tupad ang mga negosyante sa alituntunin ng Batas Paggawa.
Nakapagtatakang itinilaga si Bello ni Pa-ngulong Rodrigo “Digong” Duterte sa kanyang puwesto pero hindi naman niya magawang tulungan ang mga manggagawa. Ano pa ang silbi ni Bello bilang Kalihim ng Paggawa?
Kung sabagay, kung ang usapin nga sa kontraktuwalisasyon ay binigo ni Bello ang mga manggagawa, sa isyu pa kaya ng tamang pasahod? Kung gayon, inutil na maituturing itong si Bello at walang tanging dapat gawin si Digong kundi siya’y sibakin.
Marami nang atraso itong si Bello sa mga manggagawa. Hindi lamang sa isyu ng pasahod at kontraktuwalisasyon kundi maging sa isyu ng pagtatayo ng Departamento para sa OFW.
Hindi ba’t si Bello rin ang tumutol sa pagtatayo nito?
At kung hindi naman kikilos si Digong para sibakin si Bello, ipakita dapat ng mga manggagawa ang kanilang lakas sa pamamagitan ng sunod-sunod na pagkilos na paparalisa sa mga pabrika sa Metro Manila.
Napatunayan na ito ng mga manggagawa sa karanasan, at tiyak na magtatagumpay sila kung muling gagawin ito para masibak sa puwesto si Bello. Hindi natin alam kung bakit kinokonsinti ni Digong si Bello sa kabila ng mga maling desisyon sa kanyang departamento.
Walang maaasahan ang mga mangggawa kay Bello dahil mukhang nabili na ang kaluluwa nito ng mga negosyante. Ang pagkiling ni Bello sa mga negosyante ay halata dahil hindi niya nagawang buwagin nang tuluyan ang kontraktuwalisasyon sa kabila ng kanyang pangako na tatapusin ito.
Maituturing na makabagong makapili si Bello matapos na ipagkanulo ang mga manggagawa sa mga kapitalista sa usapin ng kontraktuwalisasyon.
SIPAT – Mat Vicencio