WALANG kinatatakutan si Pangulong Rodrigo Duterte dahil kasangga niya ang Russia.
“The Russians are with me so I shall not be afraid,” sabi ng Pangulo nang bumisita kahapon sa Russian guided missile cruiser “Varyag” na nakadaong sa Pier 15, Port of Manila.
Binigyan ng arrival honors si Pangulong Duterte ng Russian Navy Contingent.
Kasama ng Pangulo na nag-ikot sa loob ng barko, sina National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., at Foreign Affairs Secretary acting Secretary Enrique Manalo.
Nakita ng Pangulo sa loob ng barkong pandigma ang short-range anti-missile rocket system, long-range anti-aircraft missile rocket system at ang pangunahing armas nito, ang long distance anti-ship missile at anti-aircraft carrier, gayondin ang museum.
Noong nakalipas na Enero, naging panauhin din ang Pangulo ng Russian anti-submarine warship Admiral Tributs, nang magsagawa ng “goodwill visit.”
Ayon kay Russian navigator Dmitry Martyshchenko, maglalayag ang Varyag sa South China Sea, at mananatili sa erya sa loob ng isa hanggang dalawang buwan.
Sa susunod na buwan, tutungo si Duterte sa Russia para sa isang state visit bilang tugon sa imbitasyon sa kanya ni Russian President Vladimir Putin, nang magkita sila sa APEC Summit sa Lima, Peru noong Nobyembre 2016.
Ipinagmalaki ni Duterte, inalok ni Putin ang Russia bilang source ng lahat ng pangangailangan ng Filipinas, maging ng armas.
Dalawampung sundalo at pulis na Filipino ang ipinadala ng Pangulo para sanayin ng itinuturing na “world’s most effective information-gathering organization” ang pamosong KGB (Komitet Gosudartsvennoy Bezopasnosti) ng Russia.
Natuwa aniya ang mga Ruso sa pagbatikos niya kay dating US President Barack Obama, at pang-aagrabyado ng Amerika sa Filipinas sa nakalipas na isang siglo.
Naging kontrobersi-yal ang KGB sa nakalipas na US presidential elections, at pinagbibinta-ngan ng Democrats na nakialam si Putin para manalo si Republican presidential bet Donald Trump laban kay Hillary Clinton ng Democrats.
(ROSE NOVENARIO)