TIYAK na may mga humaharang upang hindi makarating sa kaalaman ni Pres. Rodrigo R. Duterte ang nalathala nating kolum noong nakaraang Miyerkoles (April 12) tungkol sa kalagayan ng 48 stranded OFWs sa Riyadh, Saudi Arabia.
Kaya naman ang 48 OFW na sampung buwan nang stranded sa Riyadh ay hindi napabilang sa mahigit 100 OFW na kasamang umuwi ni Pres. Digong sakay ng isang chartered flight mula sa ilang araw na pagbisita ng pangulo sa tatlong bansa sa Gitnang Silangan (KSA, Qatar at Bahrain), kamakailan.
October 2016 pa nila idinulog sa over-staffed pero inutil na tanggapan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) ang kanilang problema laban sa employer nila – ang multinational na kompanyang Drake and Scull International sa Riyadh.
Makalipas ang mahigit anim na buwan ay wala na silang natatanggap na balita o tulong mula sa mga nakatalaga nating Welfare Officer at Labor Attache ng POLO sa Riyadh.
Ang 48 stranded OFWs ay ilan lamang sa mga tagasubaybay ng malaganap na programang ‘Lapid Fire’ ng 8TriMedia Broadcasting Network sa Radio DZRJ (810 Khz/AM), 10:30 pm to 12:00 mn, Lunes hanggang Biyernes, na sabayang napapanood sa buong mundo via live streaming sa You Tube at Facebook.
Narito ang liham ni G. MICHAEL DAVID na nais nilang maiparating sa kaalaman ni Pres. Digong:
“Magandang hapon po sa lahat ng mga tagapanood at tagasubaybay sa progrma ni LAPID FIRE. Kami po ay nanawagan at humihingi ng tulong sa inyo, Mr. Precy Lapid, dito sa aming kompanya, Drake and Scull International sa Riyadh.
Tapos na po ang kontrata namin at ang iba naman ay terminate, at hindi natapos ang kanilang dalawang taong kontrata. Hindi na po kami inaasikaso ng aming kompanya at pinapabayaan na kami rito sa aming kampo na nakatambay.
Ang unang problema po namin, expired na ng aming mga working permit or resident permit (iqama) kaya hindi kami mabigyan o maisyuhan ng exit visa.
Ikalawa, may mga sahod pa kami na hindi nakukuha at nababayaran sa amin, at ‘yong iba ay nasa tatlo o apat na buwan na sahod.
Sana po, Mr. Lapid matulungan n’yo kami rito na makuha ang benepisyo. Lima hanggang sampung buwan na kaming naghihintay ng mga benepisyo. Sana po matulungan ninyo kami na makuha ang mga benepisyo namin at maipaabot sana ninyo sa ating Kagalang-Galang na Pangulo Rodrigo Roa Duterte na mabigyan kami ng pansin.
Wala na rin kaming mga medical card, marami na rin nagkakasakit sa amin sa sobrang pag-iisip dala ng depresyon, lalong-lalo na sa pamilya namin.
Ang aming food allowance ay hindi rin ibinibigay sa amin ng kompanya, hindi namin alam kung paano pa kami makararaos sa pang araw-araw at hindi na po namin alam kung may makakain pa kami sa susunod na mga araw.
Lumapit na rin po kami sa POLO-OWWA dito sa Riyadh para maipaalam ang aming sitwasyon sa aming kompanya at ang Welfare Officer dito ay nakikipag-ugnayan sa aming kompanya at ang sagot daw ng aming kompanya ay maghintay daw kami sa dahilan na walang pera.
Ngunit ang aming kompanya ay nag-o-operate pa at may mga project pa. Hanggang ngayon ay wala pa rin linaw kung kailan maibibigay ang hinihintay naming sahod at benepisyo.
May mga kasamahan po kami na walo hanggang sampung taon na sa serbisyo at ang iba ay higit pa. Sa aming mga agency – ang LV UNIVERSAL MANPOWER INC. at ADMIRAL OVERSEAS EMPLOYMENT CORP – sana naman ay tulungan n’yo kami rito, natapos na ang kontrata namin at ang iba ay terminate at hindi nasunod ang pinirmahang kontrata. Anim hanggang sampung buwan na kami nakatambay sa kampo sa paghihintay sa aming mga sahod at benepisyo. Sana naman ay magpadala kayo rito ng representatives upang makipag-usap sa aming opisina para maayos na ang aming mga problema at makuha na namin ang aming mga sahod at benepisyo para makauwi na kami.
Sampung buwan na rin kami naghihintay ng aksiyon sa POLO at OWWA pero wala pa rin sila maibigay na malinaw na sagot kung kailan namin makukuha ang mga sahod at benepisyo.
Nawa’y maipaabot ninyo ang aming panawagan sa ating Kagalang-galang na Pangulo Rodrigo Roa Duterte.
Salamat din po sa inyong malasakit sa mga OFW at sa pangangalampag ninyo sa ating Embahada, sa POLO at sa OWWA. God bless po sa show ninyo. Hindi sapat ang salitang salamat sa suporta at tulong at pagmamahal ninyo sa katulad naming salat sa tulong ng gobyerno. Diyos na po bahalang gumanti sa tulong na iniabot ninyo sa amin.”
INUTIL ANG POLO
FROI DE SILVA – “Ka Percy, lumalabas na matagal na pala nakarating sa kaalaman ng mga kinauukulang ahensiya ng Filipinas ‘yung problema no’ng 48 OFWs sa Riyadh bago pa ang interview n’yo kay Ms. Josephine Tobia, ang OIC ng media affairs ng OWWA. Ang dapat sana, ‘yung ating OWWA, kasama ang representatives ng ating embahada at POEA ang magtungo sa kampo ng naturang stranded OFWs at magdala ng sinasabi nilang applications. Kung ang mga walang perang OFWs ang kailangan lumabas at pumunta sa opisina ng OWWA, posibleng ipahuli pa sila ng administrador ng kampo at makulong dahil sa kawalan ng mga papeles. Iba ang mga patakaran sa Saudi, ikaw pa may kasalanan kung makulong ka dahil pumunta ka roon. Dapat talagang alamin ang detalye ng problema ng nagrereklamong OFWs sa Riyadh. Napakalaking engineering company ang Drake and Scull, mayroon silang 700 projects sa 13 bansa at 21,000 empleyado, bukod pa sa mayroon silang 3 ISO accreditations. Mas malamang na ang problema ay sa kontratang pinirmahan nila sa kausap na contracting manpower agency ng Drake and Scull sa Saudi at ng local agency na nag-deploy sa kanila mula rito.”
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid