WALANG masama na ginunita natin kahapon ang kabayanihan ng ating mga sundalo na nakasama sa pagtatanggol sa Bataan at Corregidor noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig pero dapat din ilahad ang mga tunay na pangyayari upang maging makabuluhan ang kanilang sakripisyo.
Ang madugong nangyari sa Bataan at Corregidor noong 1942 ay ginagamit hanggang ngayon upang mapanatili ang mito na parehas ang antas ng sakripisyo ng sundalong Filipino at kawal Amerikano na nakipaglaban sa mga Hapones.
Pero ang totoo niyan ay tayo ang sumangga sa mga dagok ng mga Hapon.
Ang ating tropa ang nasa harapan samantala nasa likuran naman ang puwersang Amerikano. Mga segunda klaseng gamit at rasyon ng pagkain ang para sa atin samantala primera klase ang para sa mga Amerikano. Gayon pa man sa kabila ng mababang
pag-uri sa atin ng mga Kano ay napatunayan natin na ang lahing kayumanggi ay hindi umaatras sa laban.
Dapat ding malaman ng ating mga kababayan na bago pa nagka-digmaan ay alam na ng mga Amerikano na hindi nila maipagtatanggol ang Filipinas kung sakaling sakupin ito ng mga Hapones. Pero sa kabila nito ay pilit pa rin nilang isinangkot ang Filipinas sa digmaan.
Pinigilan nila si Pangulong Manuel Luis Quezon na makipagkasundo sa mga Hapon. Ito ang ilan sa mga naging ugat ng iringan ni Quezon at Heneral Douglas MacArthur noong mga panahong iyon.
Maliban sa mga atrasado o laos na kagamitang pandigma na naandito na sa ating bansa ay wala nang dumating pang gamit para maihanda ang ating hukbo sa napipintong pagsalakay ng mga Hapones. Dangan kasi ay inuna ng mga Amerikanong ayudahan ang kanilang mother country na Inglatera, na noon ay sinasalakay na ng pasistang Alemanya.
Ang katapan nating mga Filipino sa pinapanginoong Amerikano ang nagbunsod sa mga Hapones, lalo sa mga utusan nitong Koreano, na maging mabalasik sa pakikitungo sa atin. Bukod sa mga Intsik, tayong mga Filipino ang pumasan sa ngitngit ng mga Hapones sa panahon ng giyera. Ito ang dahilan kaya laging puno ang Fort Santiago ng mga bilanggong pinahihirapan.
Hindi ko masabing mali ang ginawa nating pakikipag-tulungan sa Amerika sa mga panahong ito bagamat mayroon pa sanang higit na mas mabuting daan na sana ay ating natahak. Pero nangyari na ang nangyari. Ang masakit nito ay matapos ang lahat ng ating sakripisyo ay hindi kinilala ng ating pinapanginoon ang ating pagsusumikap.
Iyan naman ang dahilan kaya hanggang ngayon, kung kailan bilang na lamang sa daliri ang mga beterano ng Bataan at Corregidor, ay wala pa rin “back pay” na natatanggap ang mga nagsakripisyo para sa mga Amerikano noong 1942.
* * *
Binomba ng mga Amerikano ang Syria. Para sa karagdagang detalye ay pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com
Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines at panoorin ang segment nito sa Pinoy Houston TV o Howdy Philippines channel ng YouTube. Salamat po.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maaari kayong pumunta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.
USAPING BAYAN – ni REV. NELSON FLORES, Ll.B., MSCK