INARESTO ang tatlong British national at 35 Filipino ng National Bureau of Investigation (NBI), makaraang salakayin ang isang telemarketing company, na ilegal na nag-o-operate sa Carmona, Cavite.
Iniharap sa media kahapon ang mga suspek na sina Andrew Robson, Allan Bennet, at Dominic Whellams, company consultant, trainor at IT expert ng PLUSTEL Solutions Inc., may tanggapan sa 3/F ng 88 Bldg., sa Governor’s Drive, Brgy. Maduya sa Carmona.
Ayon kay NBI Spokesman Ferdinand Lavin, ang pagsalakay ay isinagawa sa bisa ng search warrant, na inisyu ni Judge Cynthia R. Mario-Ricablanca, ng Fourth Judicial Region sa Sta. Cruz, Laguna, sa kahilingan ng International Operations Division ng bureau.
Ayon sa ulat ng NBI, modus ng mga suspek ang pagbebenta ng mga non-existent bonds, securities, debentures at iba pa sa mga prospective investor sa engineering, oil and gas and manufacturing industry.
Tatawagan ng mga suspek ang isang prospective investor at sa sandaling makita na may kakayanang mamuhunan sa Filipinas ay saka nila pupuwersahin na bumili ng mga peke at non-existent na bonds at iba pa.
Sa imbestigasyon, kinompirma ng Securities and Exchange Commission, na walang awtoridad ang PLUSTEL na magbenta o mag-alok ng securities.
Nakadetine sa NBI ang tatlong dayuhan kasama ang 35 kawaning Filipino, pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Securities Regulation Code, kaugnay sa Cybercrime Prevention Act of 2012 o RA 8799 in relation to RA 10175.
Kasamang dinala sa punong tanggapan ng NBI ang 172 kawani ng PLUSTEL, na nagtratrabaho bilang data miners, qualifiers at verifiers upang maimbestigahan. (BRIAN GEM BILASANO)