NATUNTON ng mga elemento Manila Police District (MPD) Police Station 7, sa isang siyudad sa Bulacan ang sina-sabing utak sa pagpatay kay barangay chairwoman Nenita Acuna noong nakalipas na buwan sa Hermosa St., Tondo, Maynila.
Sa kulungan isinilbi ng mga awtoridad ang warrant of arrest sa itinuturong mastermind sa Tondo chairwoman killing, na si Alfred Basilisa, alyas Redd Solero, 24, ng Int. 16, Hermosa St., Tondo, nasakote ng mga operatiba ng Meycuayan City Police Station (MCPS).
Base sa naka-rating na ulat kay MPD PS7 commander, Supt. Alex Daniel, pa-sado 2:00 pm kamakalawa nang makatanggap ng impormasyon ang kanyang Intel group mula sa kanilang civilian police asset, na natunton ang pinagtataguang lugar ng suspek sa Meycauayan, Bulacan.
Kasunod nito, sa proper coordination ng mga pulis-Maynila na nagtungo sa lugar, nabatid na nahuli ng MCPS ang suspek dakong 3:40 pm sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165, Sec. 5 at 11, in relation to Sec. 26, sa pinagta-taguan sa Dinar St., Saint Michael Subd., sa Barangay Pandayan.
Sinabi ni Daniel, ang suspek ang itinuturong mastermind sa pagpaslang kay Chairwoman Nenita Acuna, 43, ng Brgy. 200, Zone 18, District 2, lungsod ng Maynila.
Nauna nang napatay ng mga pulis-Tondo ang gunman na si Aldrian Tayag, alyas Pitong makaraan makipagbarilan sa mga tauhan ng MPD PS7.
Napag-alaman, sinasabing ipinatumba ni Basilisa ang chairwoman dahil sa hinalang ang barangay official ang nasa likod nang pagpapahuli sa hinihinalang mga drug pusher sa lugar.
(BRIAN GEM BILASANO)