NATUMBOK ni Cabinet Secretary Leoncio “Jun” Evasco ang permanenteng solusyon sa isyu ng tinanggal na overtime pay ng mga nag-aalborotong empleyado ng Bureau of Immigration (BI) na kamakailan ay inabandona ang kanilang counters sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos maghain ng leave at/o resignasyon.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre , ipinanukala ni Evasco na sertipikahan ni Pangulong Duterte bilang urgent bill ang pag-amyenda sa Philippine Immigration Act of 1940 para mabilis na maaksiyonan ng Kong-reso bilang solusyon sa suliranin sa sahod ng Immiration employees.
“Ang pinaka-latest na may proposal is si CabSec Jun Evasco, na in the meantime, ipa-fast track natin ang enactment ng Immigration Law. Siyempre ise-certify ng Pangulo ‘yan para bumilis but siyempre it has to start with the House of Representatives,” ani Aguirre bago magsimula ang 29th annual national convention ng Prosecutors’ League of the Philippines sa Clark Freeport.
Suportado aniya ni Evasco ang hirit niya na ibalik muna sa dating sistema na kunin sa Express Lane Fund ang overtime pay hanggang hindi pumapasa sa Kongreso ang bagong immigration law.
“Nakikiisa sa amin si Sec. Evasco (sa) nilalakad namin na palliative measure until the new immigration law is approved, kung puwede ibalik muna ‘yung dating pamamalakad sa express lane fund. So siguro ang ating Pangulo na ang aakto rito considering na hindi namin ma-convince ang DBM tungkol sa temporary arrangement na ito,” ani Aguirre.
Halos 40 kawani na ang nagbitiw at nakaamba ang mass leave ng BI employees na nagresulta sa mahabang pila ng mga pasahero sa NAIA, mula nang tanggalin ang kanilang overtime pay na nagmumula sa ELF.
Idineklara ni Budget Secretary Benjmain Diokno, ilegal ang paggamit sa ELF para pondohan ang overtime pay dahil hindi aniya puwedeng makatanggap ng OT pay nang hindi hihigit sa 50% ng basic pay ng isang kawani.
Ngunit batay sa legal opinion ng Department of Justice (DoJ), legal na source ng OT pay ang ELF base sa Section 7-A ng Immigration Law of 1940, ang overtime ay maaaring bayaran ng shipping companies at airlines at iba pang napagsilbihan sa paliparan at pantalan.
“Unfortunately, ayaw ng DBM, meron silang legal reservation na ‘di raw puwede ‘yun. Magkakaroon ng impasse, so, sa ngayon walang pagkukuhaan ng overtime kaya ngayon delikado tayo rito sapagkat kapag walang mag-man sa ating ports, exit and entry ay delikado ‘yun sa national security,” ani Aguirre.
Si Evasco ay dating pari na naging komander ng New People’s Army (NPA), matagal naging mayor ng Maribojoc, Bohol at hanggang ngayon ay isinusulong na burahin ang burakratismo sa burukrasya.
ni ROSE NOVENARIO