“YOU’RE fired.”
Ito ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Interior Secretary Ismael “Mike” Sueno nang magkaharap sila bago magsimula ang cabinet meeting kamakalawa ng gabi sa Palasyo.
Sa kanyang talumpati sa okasyon sa MMDA kagabi, ikinuwento ng Pangulo na naubos ang pasensiya niya kay Sueno nang sagutin siya na hindi binasa ang legal opinion ng DILG legal officer tungkol sa isang kontrata.
“I lost my… if you answer, you never read the legal opinion of the legal officer of your own office. Idiot or you’re lying to your teeth. So I said you’re fired. Totohanan ‘yan,” anang Pangulo.
Napaulat na ang kontrobersiyal na kontrata na pinasok ni Sueno ay pagbili sa fire trucks para sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Dumayo pa umano si Sueno, kasama ang kanyang esposa sa Austria para lagdaan ang natu-rang kontrata.
“I dont know…Bakit siya pumunta doon? Why not sign the papers here? tutal pera naman kaya natin ‘yung ibibigay grant e grant is…,” aniya.
Wala pang napipili ang Pangulo na kapalit ni Sueno.
“Im still scouting for anoher talent,” dagdag niya.
Si Sueno ang ikalawang miyembro ng gabinete na sinibak sa puwesto, una ay si Vice President Leni Robredo bilang housing czar ng administrasyon noong nakalipas na Disyembre.
(ROSE NOVENARIO)