PARA maaprubahan ang mosyon sa mababang kapulungan ng kongreso na ibalik muli ang parusang kamatayan ay binalewala umano ng pamunuan nito ang “rules on parliamentary procedures” o ‘yung mga panuntunan kung paano magpasa ng mga mosyon.
Ayon sa isang kaibigang congressman, masigasig na diniskaril ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang mga panuntunan masuportahan lamang niya ang “pet project” na pagbabalik ng parusang kamatayan ng administrasyong Duterte.
Bukod sa pagbalewala sa mga alituntunin ay talagang brinaso ni Rep. Alvarez ang ibang mga representante sa pamamagitan ng pagbabanta na sila’y aalisin sa mayorya mula sa mga komite na kanilang kinabibilangan o pinamumunuan sa kasalukuyan kung hindi nila susuportahan ang kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Tulad ng inaasahan ay pumasa nga ang boto sa pagbabalik sa parusang kamatayan. Sa ngayon ay nakabinbin na ito sa senado at kung sakaling mapresyur din ang mga senador ay inaasahang magiging isang ganap na batas muli ang parusang kamatayan.
Pinanindigan ni Rep. Alvarez ang kanyang banta na sisibakin mula sa kani-kaniyang komite ang mga representante na hindi susuporta sa kanyang pagsisipsip sa pangulo. Kaya hayun natanggalan nga ng puwesto ang maraming congressman, kabilang na ang dating amo ni Rep. Alvarez na si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
‘Ika nga naming mga mamamahayag…nasa navy o floating ngayon ang mga mambabatas na hindi natakot ni Rep. Alvarez.
***
Hindi ako kakilala o supporter ni dating Pangulong GMA pero humanga ako sa kanyang paninindigan kaugnay sa usapin ng pagbabalik ng parusang kamatayan. Hindi niya inalintana na mawalan ng puwesto dahil sa kanyang paniniwala, tama man o mali ang dahilan sa likod nito.
Kudos po sa inyo ma’am at sa lahat ng mga tumutol sa pagbabalik ng parusang kamatayan.
Mabuhay kayo. Nakatitiyak ako na ang inyong desisyon na tutulan ang paglaganap ng kultura ng kamatayan ay tama at ayon sa kasaysayan.
Muli salamat sa inyo.
***
May mga nagsabi sa akin na pinaghahandaan na raw ng boksingerong senador na si Manny Pacquiao ang pagtakbo sa susunod na halalan bilang pangulo ng bansa. Hindi ko alam kung totoo ito pero kung sakali man ay maliwanagan sana ang taongbayan at gawin ang tamang pasya.
Kailangan din ang mga progresibong kilusan ay kumilos na ngayon sa pamamagitan ng pagmumulat sa taongbayan tungkol sa tunay na kalalagayan pang- ekonomiya, politikal at kultural ng ating bansa upang hindi mabola ang masa.
Kailangang maging proactive ang mga progressive na grupo sa lahat ng mga tinataya na maaring mangyari sa hinaharap.
***
Malaking problema pa rin ang Tuberculosis ngayon sa mundo ayon sa World Health Organization. Para sa karagdagang detalye ay pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com
Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines at panoorin ang segment nito sa Pinoy Houston TV o Howdy Philippines channel ng YouTube. Salamat po.
***
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maaari kayong pumunta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.
USAPING BAYAN – ni REV. NELSON FLORES, Ll.B., MSCK