NAGSIMULA ang magandang relasyon ni Pa-ngulong Rodrigo Duterte sa mga rebeldeng komunista nang naging prisoner of war (POW) siya ng New People’s Army noong 1987, habang acting vice mayor siya ng Davao City matapos ang EDSA People Power 1.
Sa kanyang talumpati sa 30th PNPA Commencement Exercises sa Silang, Cavite kahapon, inamin ni Pangulong Duterte na naging POW siya ng NPA habang ipinagbubuntis pa ng asawa niyang si Elizabeth Zimmerman ang bunso nilang Sebastian na isinilang noong 3 Nobyembre 1987.
Ani Duterte, binihag siya ng mga rebelde dahil sa pagganap sa tungkulin bilang piskal na nagsasampa ng kaso laban sa mga nadakip na miyembro ng NPA .
Napilitan si Duterte, aniya, na maging acting vice mayor ng Davao City nang tanggihan ng kanyang inang si Soledad ang posisyon na ibinigay ni noo’y Pangulong Corazon Aquino bilang gantimpala sa pagiging pinuno ng Yellow Friday Movement, isang kilusang anti-Marcos sa siyudad.
Inihalimbawa ng Pa-ngulo ang kanyang karanasan sa mga pulis sa pagganap sa tungkulin at pagsuong sa panganib dahil sa pagmamahal sa bayan at pamilya.
Naging pakiusap ni Duterte habang bihag siya ng NPA at nililitis sa kanilang Kangaroo Court, sakaling hatulan siya ng kamatayan ay ipabatid sa publiko na ang kanyang kasalanan ay gampanan ang kanyang tungkulin bilang piskal.
“Alam mo, tayong mga tatay, ngayon, lalo na ngayong may mga anak pa kayong maliliit. What bugs us when we go out to fight and even to travel to dangerous pla-ces, ako man, I was once upon a time a hostage ng NPA at tinutukan ako ng baril na M-14 sa ulo. I could feel the cold steel dito sa tem… Ang unang pumasok sa isip ko ‘yung anak ko nasa tiyan ng asawa ko, ‘yung Sebastian. ‘Yung walang ginawa kung hindi rin maghanap ng babae. Walang ginawa ‘yun… Sana pumunta na lang ‘yun sa PMA para mabugbog doon,” aniya.
“Nasa tiyan ng nanay niya ‘yan ‘e at that time when I was — Nag-kangaroo court sila because I was the prosecutor sa mga NPA na nakulong. Sinabi ko sa kanila, okay lang sa akin. But alam mo, sabi ko, namamatay lahat ng tao. E kung panahon ko na, ‘di panahon ko na. Pero let the world know na pinatay ninyo ako dahil sa trabaho ko. ‘Yan lang. Just a little favor, partida para sa buhay ko. That you killed me because I was doing the prosecution work against your comrades,” wika ng Pangulo.
Hindi aniya itinuloy ng mga rebelde ang paghatol sa kanya sa hindi niya binanggit na dahilan pero ngayon ay VIP ang trato sa kanya ng mga rebelde tuwing pupunta siya sa kuta nila.
“Hindi tinuloy ng mga g***. E ‘di ngayon, magpunta ako doon, sila pa magluto, sila pa mag-guwardiya sa akin. E ganon lang ang buhay,” anang Pangulo.
Batay sa nakalap na impormasyon, ang namatay na si NPA leader Leoncio “Ka Parago “ Pitao ng Pulang Bagani Command ang isa sa mga bumihag kay Duterte noong 1987, at naging malapit silang magkaibigan.
Ilang beses nang na-ging instrumento si Duterte sa pagpapalaya ng POWs ng NPA bunsod ng magandang relasyon nila ni Ka Parago.
Nang mapatay sa ambush si Ka Parago noong Hulyo 2015, sa kabila ng puna ng gob-yernong PNoy at militar, nagtungo si Duterte sa Luksang Parangal at pinayagan ang engrandeng funeral march na naitala sa kasaysayan ng NPA bilang pinakamalaki at pinakamataas na pagpupugay sa isang rebolus-yonaryong pinuno.
Isasagawa na ang fourth round ng peace talks sa Netherlands sa 2 Abril.
(ROSE NOVENARIO)