IBASURA ang impeachment complaint laban kay Vice President Leni Robredo.
Ito ang mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mambabatas hinggil sa inihaing impeachment complaint laban kay Robredo, kaugnay sa pagpapadala niya ng video message sa isang pagtitipon ng United Nations anti-drugs convention sa Vienna, Austria kamakailan, na binatikos ang extrajudicial killings kaugnay sa drug war ng administrasyon.
Anang Pangulo, mas maraming mahalagang isyu na dapat pagtuunan ang Kongreso kaysa patalsikin si Robredo.
“Look, you know, we just had an election. Guys, lay off. Let’s stop it. You can do other things but do not tinker with the structure of government. I will not countenance it,” aniya sa panayam sa paliparan mula sa pagbisita sa Myanmar at Thailand.
Inihalal aniya ng taongbayan si Robredo at hindi dapat patalsikin dahil lang binabatikos siya.
“Elected ‘yang tao e. So why do you have to? Just because she keeps on harping on me? Hayaan mo, this is a democracy, freedom of speech. Wala naman… There are… There is no or there are no overt acts committed. Kakatapos lang ng election. Bakit mo sisirain ang bayan,” anang Pangulo.
Sa Thailand kamaka-lawa ng gabi, tinukoy ni Duterte na nag-aapurang maging Pangulo kaya pinangungunahan ang destabilisasyon laban sa kanya.
ni ROSE NOVENARIO