BANGKOK, Thailand – Hindi papayag bagkus ay lalabanan ng mga migranteng Filipino sa Thailand, ang ano mang hakbang para patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng media kay Julie Macariola, Filipina English teacher dito, idineklara niya na lalabanan ng 48 grupo ng mga Filipino sa Thailand, ang destabilisasyon laban sa Pangulo.
“We don’t want him to be impeached. He’s doing a great job,” ani Macariola sa panayam kahapon sa Phil. Embassy, bago ang briefing sa magiging volunteer-marshals sa pagtitipon ng Filipino community kay Pangulong Duterte bukas.
Giit ni Macariola, ginising ni Duterte ang pampolitikang kamalayan ng mga tulad niyang OFW dahil sa matapang na paninindigan kontra illegal drugs, criminality at corruption.
Ipinagmamalaki aniya ng mga Filipino si Duterte lalo na’t ang mga Thai ay respetado ang Pangulo at marami ang nais hiramin siya sa mga Filipino para maging leader nila.
Si Macariola ay kasama sa 2,604 Pinoy overseas voters sa Thailand na bumoto kay Duterte noong nakalipas na halalan. Naunsyami ang unang itinakdang pagkikita ni Duterte sa kanila noong nakalipas na Nobyembre dahil kapos sa panahon at ang Pangulo ay nagtungo para makiramay sa mga naulila ni King Bhumibol Adulyadei.
(ROSE NOVENARIO)