AYAW ni Pangulong Rodrigo Duterte na maligaw sa landas tungo sa kapayapaan kaya nais niyang tukuyin kung ano ang gagawin sakaling pumalpak ang peace talks ng pamahalaan at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Pangunahing kondisyon ng Pangulo sa pag-usad muli ng formal peace talks ay magkaroon ng bilateral ceasefire agreement ang magkabilang panig.
Gusto ng Pangulo na ilagay sa dokumento ang patutunguhan ng usapang pangkapayapaan at ang mga magiging diskarte kapag muli itong nadiskaril.
“I want a ceasefire that is reduced in writing and the parameters clearly shown saan tayo papunta at ano ang gawin natin kung pumalpak,” giit niya.
Matapos ang backchannel talks sa Utrecht, The Netherlands ay naglabas ng joint statement ang GRP at NDFP na nagsasaad na idaraos ang fourth round ng peace talks sa unang linggo ng Abril, at kasama sa tatalakayin ang pagbalangkas ng bilateral ceasefire agreement.
Ngunit kinabukasan ay napaulat na sinunog ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang isang bus sa Makilala, North Cotabato, na ayon kay Presidential Peace Adviser Jesus Dureza ay nakababahala.
“I am still here in Amsterdam and en route home after signing a joint statement with the leadership of the CPP/NPA/NDF and I am already getting disturbing reports of alleged atrocities by the NPAs like the recent burning of a bus in Makilala, North Cotabato,” ani Dureza.
Gayonman, aminado si Dureza, wala namang umiiral na ceasefire sa magkabilang panig ngunit ang naturang insidente ay maaaring makaapekto sa sentimyento ng ‘peace-loving citizens’ na maaaring kuwestiyonin ang sinseridad ng kilusang komunista sa peace talks o kung kontrolado ng liderato ng mga rebelde ang kanilang puwersa.
(ROSE NOVENARIO)