TAMA na muna ang politika, at makabubuting sumentro naman ang ating mga lider kung paano malulutas ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Maging dilawang grupo man ito o administrasyon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, mag-usap-usap at magkasundo muna kahit panandalian lang para tugunan ang paghihirap ng bayan.
Tigil-bangayan naman, at silipin muna ng mga politiko kung ano na talaga ang kalagayan ng taongbayan lalo ang mahihirap na isang-kahig, isang-tuka at ‘yung mga empleyado na minimum wage earner.
Hindi naman natin sinasabing kalimutan ang priority programs ng kasalukuyang admi-nistrasyon, pero napapanahon sigurong tingnan kung papaano lulutasin ang problema sa basic commodities na tuloy-tuloy na tumataas ang presyo.
Ang nakalulula pa nito, ang ganid sa tubo na Meralco ay nakatakdang magtaas ng kanilang singil sa koryente matapos aprubahan ng Energy Regulatory Commission ang 22 sentimo bawat kilowatt hour na ipapataw sa consumers.
Ang dagdag-singil sa koryente ng Meralco ay magsisimula ngayong Marso hanggang Mayo.
Hindi lang ‘yan, pati ang singil sa renta ng bahay ay nakatakda na rin magtaas kasabay ng nakaambang dagdag-singil sa tubig, na susundan pa ng taas ng matrikula ng mga uni-bersidad sa darating na pasukan.
Bukod din sa pagtataas ng presyo ng mga produktong kape at gatas, nagbigay na rin ng abiso ang ibang manufacturers na magtataas rin sila ng kanilang presyo ng produkto tulad ng sardinas, pasta, sabon at iba pang mga pangunahing bilihin.
Kung tutuusin, kahit naman hindi magbigay ng abiso ang manufacturers sa presyo ng kanilang mga produkto, ang mga bilihin sa mga merkado ay patuloy na tumataas tulad ng isda, baboy, asukal, mantika at iba pa.
Kalbaryo talaga ang nangyayari sa taongbayan lalo ang darating na mga buwan na haharapin ng bawat pamilyang Filipino.
Kailangang makagawa ng solusyon ang administrasyon ni Digong kung papaano malulutas ang problema sa mataas na presyo ng basic commodities.
Kaya nga, tama talaga ang panawagang political ceasefire. Ang batikusan at bangayan ng magkakalabang kampo sa politika ay itigil na, at sakaling makapag-usap at mabigyang solusyon ang mabigat na problemang kinakaharap ng taongbayan, e, malaya na ulit silang mag-umpisang ‘magpatayan.’
SIPAT – Mat Vicencio