OKEY ang lovelife ngayon ni Albie Casiño. Mayroon siyang non-showbiz girlfriend na nakabalikan niya at going strong ang relationship nila. Noong umpisa nga ay hindi alam ng GF niya na artista siya at ‘yun ang gusto niya.
Happy din siya na tapos na ang bangungot sa buhay niya na nilikha ng kontrobersiya nila ni Andi Eigenmann.
Willing na ba siyang makatrabaho si Andi?
“Work is work, ‘di ba? Pero, If they ask I’d rather not, ‘di ba? I mean, parang ayaw kong maging weird sa set, eh,” tugon niya.
Ayaw niyang mag-pretend na parang walang history na nangyari. Civil naman sila pero magkaiba ‘yun sa pagiging okey. Basta naka-move on na rin siya at nasabi na lahat kaya parang wala na silang dapat pang pag-usapan ni Andi. Ano pa raw ba ang sasabihin niya para mag-usap pa sila ng pormal? Kahit ano pa raw ang gawin ni Andi ay hindi na rin maibabalik ang nangyari.
”Anong gagawin ko? Magagalit lang ako, hindi naman siya magiging okey ‘pag galit ako, ‘di ba? Ako lang din ‘yung masisira ‘pag galit na galit ako,” sey pa niya.
Wala ring point para magkausap sila ni Jake Ejercito na siyang tunay na ama ng anak ni Andi.
“Anong sasabihin ko sa kanya? Wala naman akong sasahihin sa kanya,” saad pa ng guwapong actor.
Inamin din niya na dumating sa point ng career niya na gusto na niyang iwanan ang showbiz.
“Dumating talaga ‘yung time na ayaw ko nang mag-artista. Na hindi ito para sa akin, ganoon. Actually, up to recently, pinag-iisipan ko rin kung mag-aaral na lang ako, mag-a-abroad.”
Bakit ganoon ang iniisip niya samantalang nakabalik na siya?
“Medyo naumay ako sa mga nangyari pero ngayong nanalo na ako ng award (Gawad Tanglaw Best Performance By An Actor at Single performance ng MMK para sa kanyang transgender role) so, parang ngayon may bago na akong pinag-iisipan.’Yung tipong ititigil ko na ba ito o hindi. Parang more validations siya na hindi ko sinasayang ang oras ko rito,” bulalas niya.
Ano talaga ang makakabago ng desisyon niya para hindi mag-quit ng showbiz?
“Siguro kapag mayroon akong super gandang project talaga na hindi makahihindi,” sabi niya.
Gusto niyang mag-explore at makita ang mundo dahil ang personality niya ay hindi pang-showbiz. Hindi siya masyadong makapagsalita sa harapan ng maraming tao.
“Minan naiisip ko, hindi talaga para sa akin ang showbiz. Pero, mahal ko ‘yung ginagawa ko, ‘di ba? Gusto ko ‘yung umaarte ako,” sambit pa niya.
Siya kasi ‘yung tipong hindi magaling sa social media na kagaya ng ibang artista. Hindi siya masyadong aktibo sa Facebook. ‘Yun bang mas maraming followers ang mga friend niya na artista pero ‘pag lumalabas sila ay siya naman agad ‘yung nare-recognize pero kaunti ang followers niya sa social media. ‘Yung face value niya ay mas nakikilala ng iba kaysa friends niya na mas maraming followers.
Kung sakali na mag-stop siya at mag-aral, may koneksiyon pa rin sa showbiz ang pag-aaralan niya gaya ng scriptwriting, cinematography. Pero, hindi pa naman siya talaga decided. Naghahanap din siya ng mga option dahil tumatanda na rin siya. Gusto rin niyang mag-graduate ng college at may fallback.
“Hindi naman lahat ng tao, nagiging Piolo Pascual. Ang daming mga bagong artistang nadi-discover,” deklara pa niya.
Aware rin siya na nakabalik na siya sa mainstream, sa ABS-CBN 2 at ngayon ay may bago siyang pelikula sa Regal Entertainment Inc.. na Pwerra Usog. Baka hindi na siya makabalik ulit ‘pag titigil siya kaya natatakot din siya.
Anwyay kasama ni Albie sa Pwera Usog sina Joseph Marco, Sofia Andres,Devon Seron, Kiko Estrada, at ang bagong Regal Baby na si Cherise Castro. Mula ito sa direksiyon ni John Paul Laxamana. Showing na ito sa March 8.
TALBOG – Roldan Castro