TINIYAK ni National Anti-Poverty Commission (NAPC) chief Liza Maza, hindi aatras ang tatlong leftists sa gabinete, sa pakikipaggirian sa mga “utak-pulbura” sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Maza, hindi sila susuko nina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Judy Taguiwalo, at Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano sa pag-aambag ng boses ng mga mamamayan at hinaing ng mga sibilyan sa gabinete.
Aminado si Maza, may tunggalian sa loob ng gabinete sa pagitan nila at ng mga militarista, mga neoliberal, ngunit naniniwala siya na mahalaga ang maiaambag nila upang manaig ang interes ng mayorya ng mamamayan kaya sa kabila nang pagkansela sa peace talks sa kilusang komunista, hindi sila magbibitiw sa puwesto.
“Kasi sa palagay ko isang elemento na puwede naming i-contribute doon sa Gabinete. Kasi alam naman natin kung ano iyong Gabinete, hindi ba? So ngayon, iyong pagsa-saboses ng hinaing ng mamamayan, hinaing ng sibilyan, perspektiba ng sibilyan, hindi ng mga militarista, sa loob ng Gabinete. So it’s a struggle within, and we will engage in that. Hindi pa namin igi-give up iyong role na iyon na mag-engage sa loob ng Gabinete na nandiyan din at malakas iyong boses ng mga militarista; iyong mga boses ng mga neoliberal, iyong boses ng mga dati,” aniya.
Paliwanag ni Maza , napakahalaga ng kampanya kontra korupsiyon sa paglaban sa kahirapan.
Gayondin aniya ang pagkontra sa oligarchs ni Pangulong Duterte, dahil matutugunan ang pagkaagrabyado ng mga pangkaraniwang tao sa mga mayayaman, at makapangyarihan na maraming atraso sa bayan.
“It is a good thing that the very — that the President is very strongly against the oligarchs ‘no. It’s high time that this should be addressed. And the drive against the oligarchs should be pursued ‘no kasi sa palagay ko ang laki-laki na ng kasalanan nila sa bayan and this will… And this is also in line with our advocacy to address inequality ‘no because poverty is caused by inequality. That is one of the root causes of poverty,” sabi ni Maza.
“So, and the fact that the oligarchs have ruled this country for a long time ‘no is a cause for ano, for concern, if you want to address poverty. Kaya ‘yung statement na ‘yun ni Presidente against the oligarchs is an important component of our anti-poverty work,” aniya.
May mga ugong sa Palasyo hinggil sa umano’y pagkakaroon ng paksiyon sa gabinete ni Duterte, bunsod nang magkakaibang pampolitikang paniniwala at interes ngunit ang umano’y umaangat na mas marami ang kabig ang pangkat ni Secretary to the Cabinet Leoncio Evasco, Jr., na hawak ang 11 anti-poverty office ng pamahalaan.
Noong Disyembre, pinalakas ni Pangulong Duterte ang kapangyarihan ni Evasco sa nilagdaang Executive Order 9, nagdagdag sa kanyang tungkulin ang pangangasiwa ng Strategic Action and Response o STAR office, para sa mabilis na pagtugon ng Presdiential Action Center, tatawagin ngayong Presidential Complaint Center.
Ang Public Concerns Office sa ilalim ng Presidential Management Staff ay inilipat sa pamamahala ng STAR office.
Binuhay rin ang Cabinet Assistance System para sa paglalatag ng cabinet agenda, at pagtiyak na maipapaabot ang presidential actions.
Una rito, itinalaga ni Pangulong Duterte si Evasco bilang chairperson ng housing and urban development coordinating council, kapalit ni Vice President Leni Robredo.
May impormasyon na ang paksiyon ng mga negosyante sa gabinete ay pinamumunuan ni Finance Secretary Carlos Dominguez, at ang mga “militarista” ay si Defense Secretary Delfin Lorenzana ang sinasabing leader.
Samantala, kokombinsihin ng tatlong makakaliwang miyembro ng gabinete, si Pangulong Rodrigo Duterte, na ituloy ang naunsyaming usapang pangkapayapaan, sa isang pulong sa Lunes, 20 Pebrero.
Sa press briefing kahapon sa Palasyo, sinabi ni National Anti-Poverty Commission (NAPC) chief Liza Maza, kasama niya sa meeting kay Pangulong Duterte ang mga kapwa niya leftist cabinet members na sina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Judy Taguiwalo, at Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano.
Umaasa si Maza, magbabago ang isip ni Duterte at babawiin ang naunang desisyon na kanselahin ang peace talks ng gobyerno sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), dahil malayo na ang narating ng negosasyon, umabot sa isa sa pinakamahabang yugto, ang pagtalakay sa comprehensive agreement on social and economic reforms (CASER)
“I hope he will revive the peace talks. It is the important. Because we are already at the very important stage of the negotiations. This is of the more substantive stage… iyon kasing comprehensive agreement on social and economic reforms. Kaya ang hirap i-abandon iyong ganon and marami na ring mga in the last round,” aniya.
“The fact that he wants to meet us, my interpretation is that he is open to hearing our views. He is open to hearing us out,” dagdag niya.
Si Maza ay panel adviser sa panig ng gobyerno sa peace talks.
Ikinalungkot ni Maza ang petisyon ni Solicitor General Jose Calida sa hukuman, na kanselahin ang mga piyansa ng mga NDFP consultant makaraan ipawalang bisa ni Pangulong Duterte ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).
“I think that will be very unfortunate, and it will not be a goodwill, it will not be, kung baga let’s not burn all our bridges. So my appeal, my personal appeal is to stop all those attacks and let us reflect first, ‘yun lang, stop all those attacks,” aniya.
Nilinaw ni Maza, ang pag-atake laban sa peace talks ay hindi lang sa aksiyong militar kundi maging sa psychological warfare.
“I am not saying a military attacks but you know, all those psywar and things like that and reflect and see how to pursue, how to go back the negotiation table because all those things will not be helpful,” sabi ni Maza.
Inihalimbawa niya ang napaulat na inatake ng New People’s Army (NPA) ang isang military truck na naghahatid ng relief goods sa mga biktima ng lindol sa Suriago City, na itinanggi ng NPA, dahil may ipinatutupad silang ceasefire sa lugar.
“Like for example, iyong sa Surigao ‘di ba, there was appreciation of the military that the NPA were the ones who shot at a convoy that was supposed to delivered the goods, know to the earthquake affected communities but the NPA denied it. And you know without proof you are sayingthat NPA did it, is something that is provocative statement, and within the realm of psywar, di ba?” dagdag niya.
ni ROSE NOVENARIO