SINA Mayor Ma. Lourdes Paras Lacson ng Magalang, Pampanga at Bacolor Mayor Jose Maria Hizon, ay sinampahan ng kasong paglabag sa anti-graft and corrupt practices ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), dahil sa bentahan ng 4,038 alagaing baboy ni Mayor Lacson kay Mayor Hizon sa halagang P7 milyong piso sa isinagawang public auction.
Ilegal umano ang nasabing auction at walang konsultasyon sa publiko, at si Mayor Hizon ang nag-iisang bidder.
***
Magugunita na noong 7 Septyembre 2016, sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng PDEA-NCR, sa pamumuno ni Director Wilkins Villanueva at ng local police, sa bisa ng isang search warrant sa Jewang Farm, sa San Idelfonso, Magalang, Pampanga, at nalantad sa nasabing mga awtoridad ang clandestine shabu laboratory, at mahigit sa 4,000 alagang baboy, dangerous drugs, CPECS na kemikal, at naaresto ang pitong Chinese nationals.
***
Hindi umano ipinaalam ni Mayor Lacson sa ahensiya ng PDEA ang bentahan ng nasabing mga alagaing baboy, kahit ang Sangguniang Pambayan umano ay pumayag sa mabilisang auction ng nasabing mga baboy sa pamamagitan ng isang resolusyon.
***
Mayroon umanong 120 alagaing mga baboy ang nangamatay simula nang salakayin ang Magalang shabu laboratory. Ang barangay captain ng Magalang, na si Captain Marcial Alfaro, kasamang kinasuhan ng PDEA, ang umano’y nagreport kay Mayor Lacson sa mga namamatay na alagaing baoy, kaya agad kumilos si Mayor Lacson at agad inatasan ang konseho na magsagawa ng isang special session at doon nga inaprubahan ang isang resolution na pumapayag ang konseho na ibenta ang mga alagaing baboy.
***
Nagalit ang PDEA dahil dapat ay ipinaalam sa kanila ang plano ni Mayor Lacson at ng Konseho, dahil ang naturang lugar na nakitaan ng shabu laboratory ay hindi umano dapat panghimasukan ng lokal na pamahalaan.
***
Ganoon? Pati pala alagang hayop ay hindi dapat pakialaman ng lokal na pamahalaan, kahit pa nangamamatay na at puwedeng makaapekto sa kalusugan kapag sumingaw ang masangsang na amoy ng mga namatay na baboy.
Mabilisan marahil ang pangyayari, kaya agad na nagsagawa ng auction si Mayor Lacson, ‘yun nga lang ang winning bidder ay iisa lang si Mayor Hizon! Ganoon kadali, o nagmamadali si Mayor Lacson!
***
Sa isang maliit na bayan, malaking halaga ang P7 milyon! Ang problema, ilegal ang proseso ng bentahan! Akala siguro ni Mayor Lacson, walang pakialam ang PDEA sa mga baboy, e bakit nga ba hindi kasamang kinompiska ng PDEA, ayan naunahan kayo ni Mayor!
ISUMBONG MO KAY DRAGON LADY – Amor Virata