HINDI umalma ang Palasyo sa paglabag ng mga kagawad ng Digos City Police sa umiiral na memorandum of agreement ng Philippine National Police (PNP) sa iba’t ibang media organizations na hindi puwedeng arestohin ang isang mamamahayag na may kasong libel kapag Biyernes, Sabado at Linggo.
Batay sa ulat, dinahas ng ilang elemento ng Digos City Police at tinangkang dakpin ang broadcaster na si Jun Panerio kahit walang warrant of arrest sa tanggapan ng 105.3 Radyo Kastigo sa Barangay Cogon noong Biyernes (20 Enero) dakong alas-tres ng hapon dahil sa umano’y pagbatikos kay Davao del Sur Gov. Douglas Cagas.
Ayon kay Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) executive director Joel Egco, pananagutin ang mga pulis na sabit sa insidente kapag nabigo sila na bigyan katuwiran ang ginawa nila laban kay Panerio.
“If the PNP personnel who joined the group that harassed the radio station will fail to justify their action, we will recommend sanctions. However, were giving them the benefit of the doubt that they could have acted on good faith thinking a warrant would be served. If not, they will be held liable,” ani Egco.
Bibigyan aniya ng task force ng legal assistance si Panerio at hinikayat siyang magsampa ng kaso.
“We are offering legal assistance to mr paneiro and will deploy security detail for him. I personally encourage him to file appropriate charges against all those involved,” dagdag niya.
Hindi binanggit ni Egco, dating National Press Club president, na ang ginawa ng mga pulis ay bawal sa umiiral na memorandum of agreement ng PNP, Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), Philippine Press Institute (PPI), National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at NPC na hindi maaaring arestohin ang mga journalist na may kasong libel kapag Biyernes, Sabado at Linggo dahil pagkakait ito sa oportunidad na makapagpiyansa.
Sinabi ni Rick Torrecampo, walang warrant of arrest o ano mang kasong isinampa laban kay Panerio.
Si Cagas ay akusado bilang mastermind sa pagpatay sa journalist na si Nestor Bedolido noong 2010.
Noong 2012 ay sinuspinde ng Palasyo si Kalinga Governor Joel Baac ng 30 araw dahil sa kanyang pagsugod sa isang radio station saka pinukpok ng microphone ang radio broadcaster na si Jerome Tabanganay. Si Tabanganay ay tinulungang magreklamo ni noo’y NPC President at ngayo’y Alab ng mga Mamamahayag (ALAB) national chairman Jerry Yap.
ni ROSE NOVENARIO