TULOY na ang plano ng gobyerno na simulan ang LRT Extension na magdaraan sa Redemptorist Road, Baclaran, Parañaque City, kaya posibleng mailipat o maalis ang naglipanang illegal vendors na nakapuwesto sa Redemptorist Road, dahil planong ilipat sa tapat ng simbahan sila ilagay.
***
Tatambakan ang dating daluyan ng tubig sa tapat ng Redemptorist Church sa Roxas Blvd., at walang puwedeng pumuwesto sa kalye ng Redemptorist Road. Malayang makadaraan ang mga pribadong behikulo na magsisimba sa nabanggit na simbahan.
***
Ang LRT na mag-uugnay patungong Cavite na nakatakda nang simulan ngayong taon. Parang nakikita ko na, nakatitiyak ang pamahalaang lokal na dagdag-kita ito sa kaban ng bayan sakaling maisaayos na ang kalalagyan ng mga vendor na nagtitinda sa bangketa at kung minsan ay sa mismong kalsada pa kaya walang makadaan na sasakyan dahil naglipana ang illegal vendors.
***
Aayusin ang puwesto ng mga magtitinda at magbabayad ng mga buwis na gustong pumuwesto, bawal na ang ilegal. Siguradong maraming magugutom na nakikinabang sa kawawang vendors, mga presidente kuno na nangongolekta na hindi batid kung saan napupunta ang kinokolekta na ang nakikinabang ay kung sino ang nakatalang Precinct Commander sa Barangay Baclaran.
***
Harinawang matuloy talaga ito, upang matigil na ang nangyayaring palabigasan ang mga vendor ng mga tiwaling opisyal ng lungsod ng Parañaque. Isang magandang pagpuri ito sa administrasyon ni Mayor Edwin Olivarez na sa simula ay napakalaking pagbabago ang dinala sa lungsod mula nang manungkulan.
***
Hindi maitatatwa ni Mayor na isa sa sakit ng ulo niya sa Baclaran ang illegal vendors! Habang hindi pa nasisimulan ang LRT extension, patuloy na sasakit ang ulo ng Alkalde, lalo na kapag malapit na ang pasukan, sigurado na magiging dahilan ng vendors hindi makapag-enrol ang kanilang mga anak na nag-aaral.
Paulit-ulit na dahilan, maraming administrasyon na ang nagdaan, hindi na nabago ang mga dahilan. Kung tutuusin kung tunay nga na nag-aaral ang mga anak, baka gradweyt na at may mga pamilya na! ‘Yan ang mga vendor! hindi nauubusan ng rason!
***
Sa mahigit tatlong dekada ng inyong lingkod sa media industry, alam na alam ko ang likaw ng bituka ng mga vendor na ang iba ay nakamatayan na ang pagtitinda sa Baclaran. Marami nang yumaman, ang mga anak ay nasa ibang bansa na ngunit hindi pa rin iniwan ang pagtitinda sa Baclaran, dahil may mina sa pagtitinda sa Baclaran!
ISUMBONG MO KAY DRAGON LADY – Amor Virata