MALIBAN sa parang marami sa atin ang halos napa-praning na sa EJKs (extra-judicial killings) sa bansa at sa mga bagyo na nananalants sa ilang probinsiya, normal pa rin naman ang buhay natin sa Pilipinas.
Nakanenerbiyos man ang mga asta at patutsada ni Pangulong Rodrigo Duterte, okey naman ang mundo natin. Buhay na buhay pa rin ang showbiz at ang kalakhang entertainment arena (meaning, kasali ang entablado, radyo, at iba pang libangan).
Dahil nagsasara na ang 2016, bigyan natin ito ng huling sulyap at husgahan (kahit pansamantala lang) kung sino-sino, o ano-anong pangyayari, ang pinaka-may impact sa madla, sa industriya at sining ng libangan, at maaaring sa kasaysayan na rin ng bansa.
Heto ang unang repaso at paghuhusga namin:
Coco Martin at Ang Probinsyano ng ABS-CBN 2.—Parang kahit anumang kasangkutan ni Coco ngayon ay bentang-benta, mag-action-drama siya sa TV o tumambal sa isang bading sa pelikula.
Vice Ganda at Aura—libang na libang, hibang na hibang ang mga Pinoy sa mga bading: isang ‘di na bata (na mukhang maraming binabata) at isang bata na ang hitsura ay parang laging nakasipsip ng kuhol. Mas malaki pa yata sa top grosser ng Metro Manila Film Festival 2016 ang kinita ng pelikula ni Vice na Super Parental Guardian, na kasama si Aura at ang guwapong si Coco.
Dahil sa mga sikat na bading sa showbiz (na mayayaman na rin dahil sa laki ng talent fees nila), tanggap na tanggap na rin kahit na sa politika ang mga bading na ladlad. Isang ebidensiya ay ang paghahalal sa Bataan kay Geraldine Roman, isang female transgender (operada na) bilang congresswoman, bukod pa sa mga politikong matagal nang pinagbubulungang bading kaya ‘di na kailangang magladlad. Nakakilala na rin po kami ng dalawang town mayor na ang kabadingan ay ladlad sa buong bayan.
Jaclyn Jose—parang biglang-bigla ay nagkaroon ang bansa ng Best Actress winner sa Cannes International Film Festival, pinakaprestihiyosong global film festival. Kauna-unahang acting award ‘yon ng isang Pinay na buhat sa Cannes.
Ang pagkilala ay para sa pagganap ni Jaclyn sa Ma’ Rosa bilang isang ina na madadakip sa pagbebenta ng droga sa sari-sari store ng pamilya sa isang congested depressed area sa Metro Manila. Walang ibang napanalunang award ang pelikula kahit na sa direksiyon iyon ni Brillante Ma. Mendoza na beterano sa pagsali sa Cannes minsan na siyang nagwaging best director para sa isang full-length feature film. (Pero hindi siya ang kauna-unahang Filipino filmmaker na nagwagi sa Cannes kundi si Raymond Red para sa short film nitong Anino).
Nick Tiongson at ang mga miyembro ng selection committee ng MMFF 2016—alam n’yo bang napaka-political ng entries na Kabisera at Oro, at masasabi pa ngang pasaring ito sa mga nakaraang administrasyon, pati na ang kasalukuyan. Parehong may kinalaman ang dalawang pelikula sa extra-judicial killing, na isa sa mga isyu laban sa kasalukuyang administrasyon. Palagay namin kaya lang nakalusot ‘yon ay dahil sa reputasyon ni Tiongson bilang literary scholar at premyadong manunulat at educator.
Wala ring reputasyon si Tiongson na may koneksiyon sa industriya ng pelikula at naghahangad maging scriptwriter sa pelikula. Sinadya ng selection committee na piliin bilang entries sa MMFF 2016 ’yung hindi commercial na commercial, may saysay, at may mga adhikain na ‘di lang pagkita ng pera, pero maayos naman at masining ang pagkakagawa. ‘Yon ang dahilan kaya sa kauna-unahang pagkakataon sa MMFF ay may napahalong dokumentaryo sa walong entries: ang Sunday Beauty Queen na ulat tungkol sa mga Filipina na nagtatrabaho sa HongKong bilang mga katulong sa bahay. Bagamat wala sa walong entries ang makapapantay sa kita ng previous entries nina Vic Sotto at Vice Ganda, wala namang nagsasabing walang kuwenta ang Magic 8 ng 2016.
May mga umaasang sana ay magpatuloy na maging showcase ang MMFF ng matitinong pelikula na nagpapakita ng kakayahan ng Pinoy sa sining at teknolohiya.
(MAY KARUGTONG)
KITANG-KITA KO – Danny Vibas