PABOR sa mahihirap na pamilya na itinataguyod ang kanilang pag-aaral mabigyan lamang ng magandang edukasyon ang mga anak, at balang-araw ay hahango sa kanilang kahirapan.
Ang “No Permit, No Exam” policy ng mga eskuwelahan at mga unibersidad na matagal nang pinaiiral ay isang dagok sa mahihirap na estudyante. Kaya ang nangyayari ayaw nang mag-aral ng mga estudyante dahil sa kakulangan sa pinansiya at hindi nakapagbabayad ng kanilang tuition sa tamang oras.
Ang resulta, naging daan upang tamarin sa pag-aaral ang bata, at pagsapit ng panahon ay posibleng maging problema ng lipunan, dahil walang pinag-aralan, o nagsipag-asawa na.
***
Gayondin sa working students na hindi nagiging sapat ang hawak na salapi mula sa kakarampot na sahod bilang crew ng isang fast food chain. Malaking bagay na payagan na makapag-exam ang isang estudyante, na hindi nakakuha ng permit dahil sa kakulangan sa pinansiya. Isang magandang hakbang ito na panukala ni Senador Bam Aquino, sa kanyang Senate Bill No. 1235. Nakasaad sa nasabing panukala na payagan ang mga estudyante na makakuha ng exam kahit walang pambayad ng tuition fee o bigyan sila ng iskedyul para makakuha ng pagsusulit.
***
Hindi ito makatarungan at masasabi ko na labag ito sa karapatang pantao ng ating mag-aaral. Tayo ay umaasa na makapasa ito sa Senado sa lalong madaling panahon at ating hikayatin ang mga mag-aaral na suportahan ang panukalang ito ni Senador Aquino.
BAN SA MGA PAPUTOK
BINAWI NG DOH
Dahil baka magbenta na lamang ng shabu ang mga manggagawa ng paputok na mawawalan ng trabaho sakaling natuloy ang pag-ban sa mga pagbebenta ng paputok? Anong katwiran ‘yan? Ewan ko ba rito sa DOH kung bakit nagdesisyon na bawiin ang ban, o baka natatakot sila na kapag sumasapit ang bagong taon ay mababawasan ang kliyente ng mga ospital sa dami ng mga nabibiktima ng paputok? Ano ang ipinagkaiba ng ilegal na droga na kapag nalulong ka ay nakamamatay ng pagkatao? Baliw din ang DOH!
***
Puwede naman piliin ang mga klase ng tao na bibili ng malalakas na paputok, e dahil marketing ang pinag-uusapan siyempre walang pakialam ang mga negosyante ng paputok!
ISUMBONG MO KAY DRAGON LADY – Amor Virata