NAKATATAWA nang marinig ko ang isang kuwentong totoo tungkol sa pagpapaburol ng patay sa St. Peter Chapel sa Tramo, Las Piñas City. Kuwento ng isang Memorial Plan Holder, isang pamilya niya ang namatay nitong Lunes, 28 Nobyembre.
May memorial plan ang namatay kaya natural na magamit ng namatay ang serbisyo ng St. Peter. Ang siste, nang ibuburol na ang patay, walang bakante!
Sa December 1 pa puwede dahil sa petsang nabanggit pa may bakante! Itinuturo ang pamilya ng namatay sa St. Peter Chapel sa Kawit Cavite, gayong ang namatay ay taga-Las Piñas City!
Kung papayag naman sa December 1 pa ibuburol, mai-stock pa sa morgue ng tatlong araw ang bangkay para sa burol ng namatay! Lintik din ang St. Peter, panay ang alok ng memorial plan, kulang naman pala sa pagbuburulan!
Ayoko na riyan!
***
Napilitan ang pamilya ng namatay na sa Filipinas Funeral Homes sa Las Piñas City na lamang iburol ang namatay. Dahil may P15 thou na burial assistance ang lokal na pamahalaan ng Las Piñas nakabawas ito sa bayarin ng mga naulila.
Ang galing naman ng mga opisyales ng Las Piñas City! Magkakasakit ka pa lamang at holder ka ng medical card nila ay P30 thou ang ipagkakaloob sa iyo!
Galing ng mayor at ng bumubuo ng Sangguniang Panlungsod ng Las Piñas City.
BACLARAN PRECINCT
COMMANDER ‘PACMAN’
Kapag binansagan kang Pacman ibig sabihin ‘matakaw.’
Bakit kaya ganito ang bansag sa precinct commander ng Baclaran, Parañaque City, habang patuloy ang clearing na isinasagawa sa illegal vendors ng lokal na pamahalaan ng lungsod.
Sa mahigpit na direktiba ni Parañaque Mayor Edwin Olivarez, panay naman ang bulsa ng ‘tong’ nitong si Commander. Ang mga hinihingian ng intelihensiya ay ‘yung mga nasa gilid ng bangketa na maayos naman ang paninda dahil ang mga winawalis ng mga tauhan ng clearing operations ay ‘yung mga nagkalat sa lansangan.
Ibang klase si commander, lusot kay mayor ang intelihensiya ng mga vendor pero wala namang kawala kay precinct commander…
PACMAN KA TALAGA!
ISUMBONG MO KAY DRAGON LADY – Amor Virata