IKINAKASA na ng administrasyong Duterte ang mga isasampang kasong kriminal laban sa isang narco-politician.
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte, umabot sa halos anim na bilyong piso ang nalikom na drug money ng politiko na nakalagak sa mga banko.
“Meron isang droga (r)ito, were trying to build the case. Bantay kayo ha. Pera niya is about as of now, as of now its about matutumba kayo, P5.9 billion,” ayon sa Pangulo.
Tumanggi ang Pangulo na pangalanan ang narco-politician ngunit isa aniya itong halal sa puwesto.
“No no no no… Pero isang elective position,” sagot niya nang usisain kung sino ang narco-politician.
“Wala, Wala akong sinabi. Actually ayaw kong sabihin,” dagdag niya.
Tiniyak ng Pangulo na sigurado siyang drug money ang nakalagak sa bank account ng politiko kaya iniimbestigahan na ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
“Drug money talaga. Dirty money sa banko,” dagdag ng Pangulo.
Muling inihayag ng Pangulo ang himutok sa AMLC na hindi siya siniyasat nang akusahan ni Sen. Antonio Trillanes IV na nagtatago ng P211 milyon sa banko noong panahon ng kampanya.
ni ROSE NOVENARIO