PUSPUSAN ang pagsusumikap ng sindikato sa hudikatura na gapangin ang mga mahistrado sa Korte Suprema para masungkit ang inaasam nilang pagpabor sa petisyon ni Sen. Leila de Lima.
Nabatid sa source sa intelligence community, isang ‘lady judiciary fixer’ ang kanilang tinututukan dahil ginagamit na operator ng mga ‘dilawan’ sa mga korte.
Anang source, may nilulutong deal ang dilawan at sindikato sa judiciary. Payag silang matalo sa isyu ng Marcos burial, huwag lang sa petisyon ni De Lima laban kay Duterte.
“Kabado sila dahil kapag ibinasura ang petisyon ni De Lima at totohanin ni Presidente na suspendihin ang writ of habeas corpus ay baka ‘manilaw’ as in parang may Hepa B ang kulungan sa rami nang puwedeng dakpin basta kaugnay sa drug war ng administrasyon,” ayon sa source.
Kapag suspendido aniya ang writ of habeas corpus, maging ang hanay nila sa hudikatura ay puwedeng isadlak sa bilangguan lalo na’t may mga sabit sa kanila sa illegal drugs.
Ang lady court fixer ayon sa source, ay lumilinya rin sa black propaganda laban kay Duterte bunsod ng mga kontak niya sa media.
Sinasabing kagrupo ng lady court fixer ang ilang nagtapos sa San Beda Law School.
Matatandaan, tinawag ng Pangulo na “San Beda scandal” ang pag-aktong padrino sa illegal drugs ng ilang brother niya sa fraternity sa San Beda College, sa sa kolehiyo na nagtapos din si De Lima.
“Ngayon alam ko na kung bakit malalakas ang loob nila. Binak-ap (back-up) sila mismo ng Department of Justice. Kaya early on marami ang patay, lumaban talaga because they thought that they had this already license to do some… Kasi iyang mga backer nila galing na roon sa Department of Justice. Some of them, fraternity brothers ko pa. Pati iyang si Vit Aguirre is my brod also, pero mayroon kami riyang mga brod sa San Beda, sa frat ko kasi si De Lima galing San Beda. So the scandal is the San Beda scandal. T***ina, susmaryosep,” dagdag ng Pangulo.
( ROSE NOVENARIO )