INIREREKLAMO ng mga kostumer ng dalawang kilalang fast food chain na matatagpuan sa Libertad, Pasay City, ang nakasusulasok ang amoy mula sa CR at sa drainage ng Chowking at Jollibee fast food chain.
Mistulang nakasusulasok na amoy na posibleng makaapekto sa kalusugan ng mga nagdaraan sa harapan ng nasabing mga establisyemento.
***
Ang fast food chain na Jollibee na katabi pa naman ng Mercury Drug store, napakabaho ng kubeta. Sakaling tinawag ng kalikasan, mawawala ang nararamdamang pag-ihi dahil sa mabahong amoy.
***
Sa Chowking hindi lamang ang loob ng kubeta, ang may mabahong amoy, maging sa labas ng establisyemento ay amoy na amoy ang napakabahong singaw na posibleng nanggagaling sa kubeta ng Chowking.
***
Ano ang ginagawa ng sanitation office ng pamahalaang lokal ng lungsod ng Pasay? Ayaw ni mayor nang ganyan! Nadadamay ang administrasyong Tony Calixto dahil sa kapabayaan ng tanggapan ng sanidad.
***
Ang problema kasi, matapos makakuha ng business permit ang isang establisyemento, magbabayad ang business taxpayer ng kaukulang halaga para sa sanitation permit, wala namang inspeksiyon na isinasagawa!
***
Huwag kayong tutulog-tulog mga taga-sanidad ng pamahaalaang lokal ng lungsod ng Pasay. ‘Di ako magtataka kung sanay kayo sa mabahong amoy, dahil kasing baho na ng departamento ninyo ang kabababuyan ng dalawang binanggit kong fast food chain!
***
Walang makikitang kostumer ng dalawang fast food chain na hindi nagtakip ng kanilang ilong paglabas sa kubeta, at sa Chowking naman, nagtakip na ng ilong pero paglabas ng CR, magtatakip uli ng ilong paglabas ng establisyemento.
***
Sa parking lot ng Chowking, kapag ay nag-park, pumapasok sa loob ng sasakyan ang baho. Lumalabas pa ang madilaw-dilaw na tubig na napakabaho na posibleng galing sa pozo negro ng Chowking!
TRIKE DRIVERS NA ABUSADO
Sa lungsod ng Quezon, bawat driver ng traysikel ay may suot na vest na nakasulat ang pangalan ng TODA na sila ay miyembro. Maging sa ilang sulok na lugar na may terminal ng traysikel ay ganoon din. Sa lungsod ng Pasay, napakaliliit ng kalye, pinakamarami yatang terminal ng traysikel. Napakaraming kolorum. Andyan kasama ang misis na naka-back ride habang nasa harapan ng drayber ang maliit na anak.
***
Walang prangkisa, napakatataas pa maningil ng pasahe, sa liit ng mga barangay, minsan magkaiba pa ng barangay ang magkatapat na daraanan. Dahil isinasaad sa ordinansa ng Pasay City Council, dagdag P5.00 ang bawat madaraanang barangay. Kailan kaya aamyendahan ng Sangguniang Panlungsod ng Pasay ang dating ordinansa na nilumot na ng panahon. Panahon pa ito ng namayapang OIC Mayor Eduardo “Duay” Calixto. Lalo ang mga traysikel na nakaparada sa harapan ng PUREGOLD at Victory Malls, ang bigat ng pasahe. Nakamura ka sa mga pinamili, tatagain naman sa pasahe ng mga abusadong traysikel driver!
ISUMBONG MO KAY DRAGON LADY – Amor Virata