TUMATANGGAP na pala ngayon si Christian Vasquez ng kontrabida roles maski na sa indie films “lang.” Guwapong-guwapo pa rin naman siya at machong-macho pa rin ang katawan.
Napanood namin siya recently bilang kontrabida sa special preview ng indie film na My Virtual Hero sa SM Lipa City. Doon ginawa ang special preview dahil taga-Lipa ang producer ng pelikula na partly ay tungkol sa isang grupo ng mga bata na sabay-sabay kinidnap at dinala sa Sagada para roon sila itago at hintaying tubusin ng mga magulang nila. Si Christian ang may pakana ng kidnapping. Schoolmates ng isa sa mga anak n’ya sa isang sosyal na eskuwelahan ang ilan sa mga batang kinidnap.
Dahil first time n’yang mai-involve sa ganoong “propesyon,” di n’ya naisip na dahil sa kaguluhan at pagmamadali, posibleng madamay ang mga anak n’ya at iba pang bata.
Isang bankrupt na negosyante si Christian sa istorya. May misis siya (ginagampanan ni Sue Prado, isa sa mga sikat na indie film actress sa bansa) na noong una ay napagtitiyagaan ang pagiging talunan n’ya; magiging sugarol siya at lasenggo.
Isang araw ay mahahanap siya ng isang bading na classmate n’ya noong high school na matagal nang may pagnanasa sa kanya. Magpapa-close ito sa kanya at darating sa punto na malalaman n’yang lider pala ng isang kidnapping syndicate ang bading na ginagampanan ni Ejay (Fontanilla).
Intensiyon ng pelikula na maging pambata, dahil ipalalabas ito sa mga eskuwelahan, na ipinalalabas ang mga pelikula ng direktor nito na si Errol Ropero. Bale ang pangunahing bituin nito ay isa sa mga batang gumaganap na anak ni Christian: si Jerome Miles Manzano, na una naming napanood sa pelikulang Butanding (na ang nagdirehe naman ay si Ed Palmos). Si Jerome ang magkakaroon ng kaibigang batang babae na mahiwagang uma-apir sa cellphone n’ya. Ang batang babaeng ‘yon bale ang My Virtual Hero na makatutulong sa pagliligtas sa mga batang nakidnap. Si Andrea Kate Abellar ang gumaganap na “virtual hero.”
Kabilang din sa iba pang mga bata sa cast ng pelikula sina Jon Michael Cayagan (na alaga ng Star Magic at isa sa mga bidang bata sa ABS-CBN teleserye na Walang Iwanan) at Daniel Asinas. May special participation din si Andrea Brillantes.
‘Yun nga palang gumaganap na bading na lider ng kidnap gang, si Ejay Fontanilla, ay isa sa mga talent ni direk Maryo J. de los Reyes. For pictures from the movie and other details, log on to the Faceboook page My Virtual Hero.
Ka-pobrehan, magic word sa mga TV contest
SA maraming TV contest ngayon, halos lahat yata ng contestants ay laging sinasabing kaya sila sumali at atat na atat magwagi ay para makapag-uwi sila ng pera sa mga magulang, o para magkaroon sila ng magandang pagkakakitaan para makatulong sila sa mga magulang nila.
Karangalan ba ‘yon o kahihiyan?
May isang kaibigan kaming foreigner na madalas magpahayag ng opinyon n’ya sa amin na panghihiya sa mga magulang ang ginagawang ‘yon ng mga pa-awang contestants. Hindi raw dapat gawin ‘yon.
Pang-e-exploit daw ‘yon ng mga anak sa kapobrehan ng mga magulang nila, o sa pagiging iresponsable ng mga magulang nila. Nagmamaganda ang mga anak, pinalalabas na dakila sila dahil nagsusumikap sila, naghahanap-buhay—pero indirectly ay ibinabando nila na iresponsable ang mga magulang nila.
Iresponsable ang mga magulang nila dahil nag-anak na lang ng nag-anak ang mga ito kahit na alam naman nilang kulang ang kakayahan nila na buhayin nang maayos ang mga bata, pag-aralin, pagtapusin ng kursong maipanghahanapbuhay ng disente, at suportahan hanggang makahanap ng trabaho sa loob ng isang taon pagka-gradweyt nila.
May mga magulang din na ‘di-inalagaan ang kalusugan nila kaya sa edad na 40 ay sakiting-sakitin na at ‘di na makapagtrabaho—at nagiging pasanin pa ng mga anak nila na ‘di nga nila napagtapos ng pag-aaral kaya’t kung ano-ano lang ang kalunos-lunos na pinagkakakitaan nila.
Of course, masasabing may diperensiya rin ang mga network, ang TV executives, na mukhang ineengganyo ang mga contestant nila na ibuyangyang ang kapobrehan nila, ang kawalan ng kakayahan ng mga magulang na ipagamot ang sarili o ang iba pang mga anak nila na may malulubhang karamdaman.
Subukan n’yong manood ng mga TV contest mula sa ibang bansa—at madidiskubre n’yong walang contestant na nagsasabing kaya gusto n’yang manalo, o sumikat sa showbiz o sa kung-saan pa man, ay para maibigay n’ya ang pera sa mga magulang para mapaaral ng mga ito ang mga kapatid n’ya, makabili ng sarili nilang bahay at lupa, at iba pang dahilan na, sa totoo lang, kahihiyan ng mga magulang.
Kung isinasali ng mga contestant sa foreign TV shows ang mga magulang nila sa backgrounder video interview sa kanila, ang isini-share nila ay kung paano sinusuportahan ng parents nila ang mga pangarap nila sa buhay.
Ang obserbasyon nga ng foreigner friend namin na ‘yon ay dito lang sa Pilipinas itinataas ng mga contestant ang karangalan nila sa pamamagitan ng panghihiya sa mga magulang. Dito lang daw sa bansa paawa ang mga TV show contestant.
Mas madali raw tayo uunlad bilang bansa kung ‘di natin ibabando sa mundo ang ating karukhaan at pagkakaroon ng laksa-laksang iresponsableng mga magulang.
KITANG-KITA KO – Danny Vibas