MARAMING yumaman na opisyal sa Land Transportation Office (LTO) noong mga naunang administrasyon dahil bulag ang mga namumuno noon. Sa administrasyong Rodrigo Duterte, sisimulan na ang lifestyle check laban sa mga tiwaling opisyal at kawani.
***
Isa sa yumaman na opisyal ng LTO, siyempre ang humahawak ng mga parehistro ng mga sasakyan, dahil naririyan ang kahit matagal nang hindi narerehistro, o karnap na sasakyan ay naiparerehistro, siyempre kapalit ang malaking halaga ng salapi. Kabilang din sa kumikitang opisyal ng LTO, ang namumuno sa mga drivers license.
***
Kung ang fixers ay kumikita, mas lalo na ang mga kausap sa driver’s license, take note! Dapat ay student license lamang, agad nabibigyan ng non-pro, o kaya ay professional license, magkano? Triple sa normal na binabayaran.
***
Dapat noon pa ginawa ito ng gobyerno, dahil lahat yata ng sangay ng gobyerno ay may anomalya, paano makikita ito?
LGUs DAPAT I-LIFESTYLE CHECK
Mas maraming katiwalaan sa local government units, dahil naririyan ang overpricing sa supplies, sa infrastructure projects, kaya overpricing ang presyo ng contractors. Diyan nila kukunin ang SOP ng mga kausap nilang mayor o governor. Kapag kinakailangan dumaan ang isang malaking proyekto sa Sangguniang Panlungsod o Pambayan, hindi nawawalan ang Konseho ng tinatawag na SOP.
***
Hindi lamang mga mayor at mga miyembro ng Sanggunian ang dapat i-lifestyle check, dapat maging treasurer at auditor na magkakakontsaba sa isang proyekto. Kalimitan ang ilan sa mga miyembro ng Bids and Awards Committee ang kawawa, meron man, barya-barya na lang, gaya ng Budget Officers, Accounting at General Services Office.
***
Gaya ng isang kompanya na ang pangalan ay KEN HUA. Pag-aari ng isang Chinese, panay ang reklamo na napakataas daw ng hinihinging SOP ng LGUs sa kanyang mga isinusuplay, kaya ang resulta ang idinideliber niyang school bags ay sub standard, ilang buwan lang maggamit ng estudyante, wasak na agad.
ISUMBONG MO KAY DRAGON LADY – Amor Virata